“Oh baby, baby, baby!”
Mula sa iconic double braids ni Shan Cai, ang signature “pineapple” look at bandana ni Dao Ming Si, ang smooth and manageable na buhok ni Mei Zuo, hanggang sa katakot-takot na red card, ang global drama hit na Meteor Garden ay naging parte ng childhood ng maraming batang 90s sa Pilipinas.
Matatandaan pa nga na noong mga panahong ito, madalas maririnig sa radio stations ang "Can't Lose You" ng F4, na umabot sa puntong kayang-kaya itong kantahin ng mga Pinoy na hindi nakakapagsalita o nakakaintindi ng wikang Mandarin.
Dahil dito, kailan nga ba unang ipinalabas ang ngayo’y hit na Taiwanese drama?
Ang Meteor Garden ay unang inilabas sa Taiwan noong Abril 12, 2001, na pinaniniwalaang pinagmulan ng “idol drama” sa Asya.
Ito ang Taiwanese adaptation ng Japanese comic series na “Hana Yori Dango,” na isinulat ni Yoko Kamio.
Tungkol saan ang kuwento ng Meteor Garden?
Taliwas sa mga nauusong melodrama noong mga panahong ito, umikot ang istorya ng Meteor Garden sa love - hate relationship ng mayaman at kinatatakutan na bad boy na si Dao Ming Si at ordinaryong estudyante na si Shan Cai.
Bilang lider din ng Flower Four (F4), si Dao Ming Si (Jerry Yan), kasama ang mga miyembro at kaibigan niyang sina Hua Ze Lei (Vic Zhou), Mei Zuo (Vanness Wu), at Xi Men (Ken Chu), ay namimigay ng red card sa schoolmate na nais nilang i-bully.
Bagama’t pobre, nilabanan ni Shan Cai (Barbie Hsu) ang F4 nang mabigyan ng red card ang kaibigan upang pagtulungan ito.
Sa kabila ng paulit-ulit na panghahamak na kinaharap ni Shan Cai dahil dito, hindi natinag si Shan Cai sa paglaban sa F4, na kalauna’y naging daan upang makuha niya ang respeto at pagmamahal ni Dao Ming Si.
Meteor Garden bilang hit drama sa Pilipinas
Mayo 5, 2003, dumating ito sa Pilipinas, at ipinakilala sa mga Pinoy bilang Tagalog-dubbed drama, na kalauna’y sinubaybayan at araw-araw na inabangan ng mga manonood sa ABS-CBN tuwing hapon.
Ang taong ito ang pinaniniwalaang nagbukas ng pinto para sa pagpasok ng “Asianovelas” sa Pilipinas,” at nagbago ng panonood ng maraming kabataang Pinoy.
Mula sa iba’t ibang ulat at kuwento ng fans at manonood noong kasagsagan ng “Meteor Garden Fever” sa bansa, marami sa kanila ang excited umuwi sa bahay pagkatapos ng klase dahil sa pag-ere ng Meteor Garden.
Ang ilan naman, dahil sa mga naglipanang memorabilia tulad ng posters, photo cards, pins, at notebook covers, sinasadya pa nila ang mga ito sa malls at tindahan upang kolektahin.
Dahil sa pamamayagpag ng Meteor Garden sa Pilipinas, noong Disyembre 26, 2003, idinaos ang “F4 Live! Happy New Year 2004” concert sa bansa.
Bilang paggunita sa ika-25 anibersaryo ng kasikatang ito, muling magdaraos ng kanilang world tour ang tatlong miyembro ng F4, na sina Jerry, Vaness, at Vic, kasama ang Taiwanese singer-songwriter na si Ashin.
Ang “FFOREVER 1st World Tour” ay inanunsyo ng Taiwanese music company na B'in Music sa kanilang social media noong Abril 6.
Isang taon naman matapos ang nakalulungkot na pagkasawi ni Barbie noong Pebrero 2025 dulot ng komplikasyon sa influenza, patuloy pa rin siyang inaalala ng kaniyang fans at mga kapwa aktor.
MAKI-BALITA: Taiwanese actress Barbie Hsu, pinatayuan ng memorial statue sa kaniyang 1st death anniversary
KAUGNAY NA ULAT: Barbie Hsu ng 'Meteor Garden' pumanaw na