Nagdiwang ang buong mundo kamakailan matapos ang naging matagumpay na pagtatapos ng lunar flyby ng Artemis II ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) noong Biyernes, Abril 10.
Lulan ang astronauts na sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Jeremy Hansen, nag-splashdown ang sinakyan nilang Orion spacecraft sa Karagatang Pasipiko bandang 8:07 PM sa San Diego, California, noong Biyernes.
MAKI-BALITA: Artemis II, balik-mundo matapos lunar flyby mission sa buwan!
Ang 10-day mission na ito ay maituturing na makasaysayan dahil narating ng proyektong ito ang mahigit 252,757 milyang layo mula sa daigdig mula sa mundo, na pinakamalayong distansyang naabot ng tao.
Kumpara ito sa dating tala ng Apollo 13 noong 1970 na umabot lamang sa 248,655 milya.
MAKI-BALITA: Artemis II, narating higit 200k milyang layo sa Earth; kinabog Apollo 13 record noong 1970
Parte ng makasaysayang Artemis II ang isang Pinoy na si Louie Rabara bilang isang Data Controller sa NASA Jet Propulsion Laboratory (JPL) team.
Saad sa kanilang website, ang JPL ay ang nangunguna sa robotic space exploration, pagpapadala ng rovers sa planetang Mars, pagsisiyasat ng malalayong distansiya sa kalawakan, at satellites upang mas maintindihan ang tinitirhan ng sangkatauhan na planetang Earth.
Sa panayam ni Rabara sa GMA News noong Sabado, Abril 11, ibinahagi niyang bilang data controller sa Artemis II, isa siya sa nag-track sa astronauts na ipinadala sa kalawakan, paglapas nila sa orbit ng Earth.
“Ang naging part namin dito as data controllers, after nilang lumampas sa Earth orbit, kami na po ‘yong nakakapag-track sa kanila sa mga data na makukuha nila doon sa space, kami na po ang makaka-receive noon,” paliwanag ni Rabara.
Nang tanungin kung paano siya nakapasok sa JPLA, ibinahagi ni Rabara na una siyang nakapasok sa University of California (UCLA) sa Los Angeles, kung saan, dito na siya tinawagan ng JPLA upang makapasok sa NASA.
“‘Yong journey ko, hindi ako straight Astronomy kasi nag-graduate ako ng computer engineering and wala naman akong idea before na makakapasok ako sa ganitong type of job po,” saad ni Rabara.
Dahil hindi niya inaasahan na makakapasok siya sa NASA, inamin ni Rabara na hindi rin daw niya ito childhood dream ngunit lubos siyang namangha sa astronauts na lumalabas at naglalakbay sa kalawakan.
Kaya hanggang ngayon daw ay hindi pa rin daw siya makapaniwalang ibang-iba na ang work environment na nararanasan sa kasalukuyan.
“Sobrang iba na po ‘yong environment na inaapakan ko ngayon kasi sobrang high pressure and puro real-time operations po ang nangyayari. As in 24/7 operations po siya,” saad ni Rabara.
“So as a data controller, kami po ‘yong nagmo-monitor noon and kami rin po ‘yong nagpa-process ng data from the spacecrafts,” aniya pa.
Bilang mensahe sa kapwa Pinoy niyang nais ding magtrabaho sa NASA, ipinayo ni Rabara na huwag matakot mangarap at palaging ipagpasa-Diyos ang kahilingang ito.
“Huwag kayong matakot mangarap kahit feeling ninyo impossible siya mangyari, there’s always a chance. And of course, always pray to God. Si Lord pa rin po ‘yong nag-help sa akin makapasok,” payo ni Rabara.
Aniya pa, noong mga panahong nasa proseso na siya ng interview, ipinagdasal niyang makapasok sa NASA at kahit ganoon, hindi pa rin daw niya inasahang pipiliin siya at makakapasok rito.
“Kung may opportunity po, i-grab lang ng i-grab,” panghihikayat pa niya.