Nagsagawa kahapon ng kilos-protesta ang ilang grupo kasama ang mga kaanak ng 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), na pinatay sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao eksaktong dalawang taon na ang nakalipas, sa harap ng Office of the Ombudsman sa Quezon City upang igiit ang agarang paghahain ng kasong kriminal laban kay dating Pangulong Benigno S. Aquino III kaugnay ng naging papel nito sa trahedya.

Hindi isinama ng Ombudsman si Aquino nang maghain ito ng kasong multiple homicide through reckless imprudence at usurpation of authority sa Sandiganbayan laban kina dating PNP chief Alan Purisima at dating SAF director Getulio Napeñas sa pagpaplano ng pumalpak na operasyon upang i-neutralize ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, kahit pa suspendido si Purisima nang mga panahong iyon dahil sa pagkakasangkot sa hiwalay na kasong graft.

Ayon sa mga raliyista, dapat na amyendahan na ng Ombudsman ang reklamo nito at isama ang dating Pangulo, na wala na ngayong immunity from suit matapos bumaba sa puwesto noong Hulyo 2016.

IMPEACHMENT VS OMBUDSMAN

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Kasali sa protesta kasama ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Citizens Crime Watch (CCW), nagbabala si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez na maghahain ng impeachment laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales kung patuloy nitong tatanggihan ang paghahain ng kasong multiple homicide laban kay Aquino.

Si dating Pangulong Aquino ang nagtalaga kay Morales sa puwesto.

Pero sinabi kahapon ni Ombudsman Morales na nakabimbin pa ang preliminary investigation sa mga kasong kriminal na isinampa ng mga kaanak ng SAF 44 laban kay Aquino.

Dumalo sa Asia Women’s Summit sa Pasay City, sinabi ni Morales sa media na umapela si Aquino ng extension sa deadline upang makapaghain ng mga counter affidavit laban sa reklamo.

Sinabi rin ng Ombudsman na hindi niya tinututulan ang direktiba ni Pangulong Duterte na bumuo ng komisyon para imbestigahan ang trahedya sa Mamasapano, na hiwalay sa pagsisiyasat ng kanyang tanggapan.

Kasabay nito, nanawagan si Anakpawis Party-list Rep. Ariel “Ka Ayik” Casilao kay Pangulong Duterte na papanagutin si Aquino sa pagkakapaslang sa SAF 44.

“The President is capable of totally unravelling the events that led to the deaths of SAF 44, that would eventually expose the accountability of Aquino, prior, during and after the botched operation,” ani Casilao.

“There would be no closure on the issue as long as the root causes of the botched operation is revealed, hence, it is the duty of the president to unearth the information that led to it and disclose it to the public,” dagdag pa ni Casilao.

‘CHECKING THE FACTS’

Kaugnay nito, sa kanyang pagdalo sa misa para sa paggunita sa ika-84 na anibersaryo ng kapanganakan ng inang si dating Pangulong Corazon Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City na dinaluhan din ng kanyang mga kapatid, ni Vice President Leni Robredo, iba pang kaanak at mga kaibigan, nagbigay ng maikling pahayag si dating Pangulong Noynoy.

Aniya, pinag-aaralan pa niya ang mga kasong inihain sa Sandiganbayan laban kina Purisima at Napeñas.

“We just want to make sure of our reply na we’d double check all of our facts so I’ve been [checking] this morning, checking all the facts,” sabi ni Aquino. “It took us a while to get the transcript. I’m meeting with my legal counsel this afternoon and we’re crafting a statement. In the meantime we are checking all of the facts.”

(JUN RAMIREZ, CHARISSA LUCI at MARTIN SADONGDONG)