Timbuwang ang dalawang katao, isa na rito ang No. 2 most wanted ng Northern Police District (NPD), matapos umanong manlaban sa mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Altie Fernandez, 32, ng Barangay 29 ng nasabing lungsod; at Dodoy Tormis, 38 ng Bgy. 163, Caloocan City.

Bukod sa pagiging No. 2 most wanted at tulak, isa rin umanong hired killer si Fernandez na may standing warrant of arrest sa Manila Regional Trial Court.

Ayon kay Police Inspector Leo Tomas, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Caloocan Police, bandang 9:00 ng gabi ay nakatanggap sila ng tawag mula sa kapitbahay ni Fernandez kaugnay ng lantarang pagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

National

Orange warning, itinaas sa Metro Manila, mga kalapit na lugar

Kaagad rumesponde ang grupo ni Tomas at pagsapit sa lugar ay nakahalata umano ang suspek na mga pulis ang parating dahilan upang tumakbo ito at pumasok sa bahay ng kanyang kapitbahay.

“Pinutukan kami ng suspek kaya wala na kaming magawa kaya gumanti na kami ng putok,” ayon kay Tomas.

Makalipas ang ilang minutong putukan, duguang bumulagta si Fernandez.

Narekober mula sa suspek ang isang cal. 45 na baril at hindi madeterminang dami ng shabu.

Pasado alas 11:00 naman ng gabi, napatay sa ikinasang drug operation si Tormis sa kanilang lugar sa Bgy. 163.

Nakuha sa suspek ang 15 plastic sachet ng shabu at cal. 45. (Orly L. Barcala)