CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Stable na ang kondisyon ng panganay ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na si Mikey Arroyo sa isang ospital sa Quezon City, ngunit kakasuhan ng homicide ang driver nito sa pagkasawi ng pulis na nakabanggaan ng sasakyan ng dating First Son sa FVR Megadike sa Bacolor, Pampanga, nitong Lunes ng hapon.

Maayos na ang lagay ng dating bise gobernador ng Pampanga na naging kinatawan din ng lalawigan sa Kamara at ng Ang Galing Pinoy Party-list sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, ayon kay Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron Aquino.

Gayunman, sinabi ni Aquino na nahaharap sa reckless imprudence resulting to homicide ang driver ni Mikey na si John Frederick Macaraig.

Nagtamo si Mikey ng sugat sa ulo makaraang salpukin ang kanyang Toyota Hilux, na minamaneho ni Macaraig, ng Honda Civic (WEP-604) na minamaneho ni PO3 Alexander Villamin, ng Police Regional Public Safety Battalion ng PRO-3, bandang 3:30 ng hapon nitong Lunes sa Barangay Maliwalu, Bacolor.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kaagad na nasawi si Villamin, habang isinugod naman si Mikey at ang isa pang pasahero ng Hilux, si Edward Mendoza Montevergin, sa Mother Teresa Calcutta Hospital sa City of San Fernando, bago inilipat sa St. Lukes.

(Franco G. Regala)