Nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng isang batang lalaki na nasawi makaraang malunod sa baha sa Malabon City, nitong Linggo ng hapon.
Dead on arrival sa San Lorenzo Ruiz Hospital si Justine Cisneros, ng Barangay Panghulo ng nasabing lungsod.
Base sa report, bandang 2:15 ng hapon, naligo sa baha ang biktima at kanyang mga kaibigan sa Artex Compound, Barangay Panghulo, Malabon City.
Makailang saglit ay nakita na lang umano ng mga kaibigan ni Justine na siya’y lumulubog at lumilitaw sa tubig kaya humingi sila ng tulong sa Police Community Precinct (PCP) 1, sa pamumuno ni Police Sr. Insp. Jhonny Baltan, na kaagad namang rumesponde.
Agad nila itong isinugod sa nasabing pagamutan ngunit namatay din dahil sa dami ng tubig na nainom. (Orly L. Barcala)