Binati ng Malacañang kahapon si US President Donald Trump sa kanyang panunumpa bilang ika-45 pangulo ng Amerika.

“We congratulate the people of the United States for a successful 58th presidential inauguration,” saad ni Presidential spokesman Ernesto Abella sa isang text message.

Bilang pagtalima sa dalawang siglo nang American democratic tradition, ang dating reality show host at negosyanteng si Donald Trump ay pinapanumpa sa tungkulin sa Capitol Grounds sa Washington D.C. kahapon, bilang kapalit ni dating Pangulong Barrack Obama.

Ayon kay Abella, umaasa ang Palasyo na magkakaroon ng maayos na pakikipagtrabaho ang Pilipinas sa administrasyon ni Trump na nakasalalay sa “mutual respect, mutual benefit, and shared commitment to democratic ideals and the rule of law.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We wish President Trump success in the next four years of his administration,” sabi ni Abella.

Nitong Biyernes, binati rin ni Presidential legal counsel Salvador Panelo si Trump sa kanyang hindi inaasahang panalo laban sa Democratic candidate na si Hillary Clinton noong Nobyembre.

Nagpahayag din ng kanyang paniniwala si Panelo na ang dalawang bansa ay magkakaroon ng maayos na ugnayan sa ilalim ng pamumuno nina Duterte at Trump.

Sinabi rin ni Communications Secretary Martin Andanar, sa pamamagitan ng kanyang post sa Facebook, na magkakasundo sina Duterte at Trump.

Inihalintulad din niya si Trump kay Duterte sa pagsasabi na ang una ay naniniwala sa nasyonalismo, non-interference, pagsugpo sa droga at mga programang nakatuon sa mga tao.

Nitong Disyembre, ibinunyag ni Duterte na hinangad niyang si Trump ang manalo sa US elections dahil “(he) does not appear hostile or antagonistic” sa kanya.

‘AMERICA FIRST’

Samantala, sinabi ni Abella na inirerespeto ng Palasyo ang “America First” pronouncement ni Trump bilang una sa mga prinsipyo ng bagong pamunuan ng Amerika.

“In like manner, national interest is the primary consideration that guides President Rodrigo Duterte. His pursuit of peace and order is the bedrock of economic inclusivity and self-sufficiency,” aniya. (Argyll Cyrus B. Geducos)