Arestado ang isang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic constable matapos umanong mangotong sa isang delivery truck driver sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si Jacinto Palisoc y Servito, ng Phase 9-A, Package 5, Block 36, Lot 8, Bagong Silang, Caloocan City.
Base sa report, dakong 2:00 ng madaling araw kahapon, inaresto si Palisoc sa isinagawang entrapment operation ng District Special Operation Unit, sa pamumuno ni Police Supt. Rogarth Campo at ng Quezon City Criminal Investigation and Detection Group (QC-CIDG).
Hindi na nakatiis si Ruperto Capena, ng Purok 5, Gardenville, Sta. Cruz, Porac, Pampanga, dahil sa umano’y paulit-ulit na pagsita sa kanya ni Palisoc kaugnay ng paglabag sa batas trapiko
“Inaabangan niya po ako lagi doon sa lugar at kung anu-anong traffic violation po ang sinasabi niya sa akin hanggang ibinigay niya po ang cell phone number niya sa akin at sabi niya i-text ko na lang daw siya ‘pag dumaan ako sa lugar niya para siya na lang daw ang huhuli sa akin,” pahayag ni Capena sa pulisya.
Kasalukuyang nakakulong si Palisoc sa QC-CIDG. (Jun Fabon)