NAIULAT na nagkagirian at muntik nang magsuntukan sina Sen. Antonio Trillanes at Miguel Zubiri. Ang dahilan, kinuwestiyon ni Zubiri ang pagkakabigay ng bribery scandal sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) sa komite ni Trillanes para ito imbestigahan.

Si Trillanes ay chairman ng Committee on Civil Service. Ayon kay Zubiri, ang kaso ay dapat sa Committee on Justice and Human Rights. Inalmahan ito ni Trillanes dahil nang imbestigahan ng Committee on Justice and Human rights ang extrajudicial killing (EJK) nang si Sen. Richard Gordon na ang chairman, hindi raw maganda ang naging committee report. May pagtatakip na nangyari na siya ring magaganap, aniya, kapag ang anomalya sa BID ay malalagay na naman sa kanyang komite.

Nang pagbotohan ang isyu kung dapat bawiin ang kaso sa komite ni Trillanes, sabi ni Gordon, pitong senador ang tumutol at apat dito ay mga taga-Liberal Party (LP). May namumuong pagkilos sa mga senador na iitsapuwera na ang LP sa super majority sa Senado. Ayon kay Sen. Tito Sotto, may naririnig siyang ilang senador na gusto nang alisin sa super majority ang mga LP senators sa pangunguna ni Sen. Franklin Drilon dahil lagi silang kumokontra sa napagkaisahan ng majority.

Malaking isyu sa mga senador kung sino ang mag-iimbestiga sa suhulan na nangyari sa BID. Kung inyong natatandaan, sinalakay ng mga taga-BID and online gambling ni Chinese tycoon Jack Lam sa Fontana Resorts. Dinakip nila ang 1,316 na empleyado nito na pawang mga Intsik na ilegal na nagtatrabaho rito. Dalawang assistant commissioner ng BID ang nakuha sa CCTV na tumanggap ng P50 milyon sa emissary ni Lam sa City of Dreams para mapalaya ang 600 sa nahuling 1,316 na empleyado ni Lam. Ang dalawang nasangkot na assistant commissioner ng BID ay kaeskuwela sa San Beda College of Law at ka-fraternity sa Lex Taliones nina Pangulong Digong at DoJ Secretary Vitaliano Aguirre. At ang BID ay nasa pamamahala ni Aguirre bilang DoJ secretary.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil laging sinasabi ni Pangulong Digong na sa kanyang administrasyon ay dapat mahinto na ang kurapsiyon, ipinagmalaki niya na dinismiss na niya ang dalawang assistant commissioner kahit ang mga ito ay malapit sa kanya.

Ganoon pala, bakit isyu pa sa mga senador kung aling komite ang mag-iimbestiga sa iskandalong kinasasangkutan ng dalawa? Nasa komite na ni Trillanes ang kasong ito, bakit nais pang ipasa ito sa komite ni Gordon? Tama si Trillanes.

May nais na namang mangyaring takipan sa anomalyang ito tulad ng naganap sa imbestigasyong ginawa ni Gordon sa EJK.

Baka milimitahan lang sa dalawang commissioner ang naganap na anomalya, gayong iyong P50 milyong tinanggap ng dalawa ay paunang suhol lamang. Nais ni Trillanes na maalis sa komite ang anomalyang ito, dahil baka lumabas sa kanyang imbestigasyon ang pinakautak nito. (Ric Valmonte)