Bago pa man magsimula ang mga pag-uusap ng gobyerno at ng mga rebelde, nagimbal ang Philippine contingent, partikular ang media correspondents, nang tangayin ng mga kawatan ang mga gamit nina ABS-CBN Europe bureau chief Danny Buenafe at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) media officer Edwin Espejo.
Nagdagdag sa alarma ang katotohanan na nangyari ito sa mismong lobby ng Holiday Inn Rome – Eur Parco del Medici sa Rome kung saan naghihintay si Espejo at iba pang OPAPP staff ng clearance para makapasok sa kanilang mga silid.
Kinakapanayam noon ni Buenafe, na iniwan ang kanyang bag na naglalaman ng mga credit card, si NDF Peace Panel Chairman Fidel Agcaoili kasama ang iba pang Philippine-based mediamen, nang magkaroon ng komosyon at nakitang hinahabol ni Espejo at ng iba pang OPAPP staffer ang apat na lalaki.
Pagbalik ni Espejo sa lobby matapos ang bigong paghahabol na mabawi ang kanyang mga gamit, kinabibilangan ng laptop at professional camera, ay sinabi niya kay Buenafe na kabilang ang mga bag nito sa mga tinangay ng mga kawatan.
(Rocky Nazareno)