MULI naming nainterbyu sa presscon ng Foolish Love si Angeline Quinto na umaming dream niyang maging leading man sina Robin Padilla, Piolo Pascual at John Lloyd Cruz.

So, ginagaya talaga niya si Regine Velasquez dahil bukod sa kahawig at kaboses ay type din niyang makasama ang past leading men nito (maliban kay Lloydie).

“Idol ko po kasi talaga si Robin, Ate Reggs, hindi naman sadyang ginagaya ko kung sino mga nakasama ni Ate Regine. Nakapag-guest po ako sa To The Max dati kaya nakilala ko si Robin, bata pa ako, idol ko na siya.

“Kaya ngayong nabibigyan ako ng pagkakataong makagawa ng pelikula, eh, sana isa siya sa makasama ko. Gusto ko rin si Piolo Pascual, siyempre, Papa P ‘yan, at si John Lloyd Cruz para sa drama. Pero, Ate Reggs, hindi ako puwede sa dramang-drama talaga, comedy pa rin kasi ako,” katwiran niya.

Tsika at Intriga

Dani Barretto, nang-inis pa lalo sa bashers dahil sa 'garlic tuyo'

Thankful si Angge na pinagawa siya nina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo ng dalawang pelikula, ang That Thing Called Tanga Na (ipinalabas last year) at ang Foolish Love na ipapalabas na sa Enero 25.

“Ate Reggs, hindi naman ako humihingi ng blockbuster na movie, ang lagi ko lang ipinapanalangin, sana bumalik ‘yung nagastos ng producer. So far po, kumita ang That Thing Called Tanga Na kaya siguro nasundan ng Foolish Love.

“Tinanong nga po ako nila (Mother Lily at Roselle) kung ano ‘yung movie na gusto ko pang gawin o dream role. Ang sabi ko, gusto ko pong makagawa ng horror movie, kaya tinanong nila kung bakit iyon ang gusto ko. Sabi ko, mahilig po kasi ako sa horror at comedy, saka kasi ang idol ko sina Ms. Maricel Soriano at si Ms. Janice de Belen. Di ba si Ms. Janice, pinaka-baby ng Regal pagdating sa mga horror movies.

“Paborito ko ‘yung Tiyanak ni Ms. Janice, Feng Shui ni Ate Kris (Aquino) at Shake, Rattle and Roll lagi kong sinusundan ‘yun. Sa foreign po gusto ko ‘tong Annabelle 2, Conjuring, ganu’n. Pero matatakutin ako sa bahay, kapag nanood ako ng horror, hindi mo ako mapapatulog mag-isa sa bahay, ha-ha-ha,” kuwento ng dalagang singer/actress.

LUMABAN NG HALIKAN

Para kay Angee, mas nakakatawa itong pelikula nila ni Jake Cuenca kaysa sa That Thing Called Tanga Na.

“Mas natatawa ako rito sa Foolish Love kasi sa That Thing Called Tanga Na, marami kami roon, so itong sa amin ni Jake, sa amin nakasentro, kasama rin sina ToMiho (Tommy Esguerra at Miho Nishida),” sabi sa amin.

Matindi raw ang halikan at love scene nila ni Jake at panoorin na lang daw kung bakit, lalo na sa ending.

Sa trailer ng Foolish Love, talaga namang nakagugulat dahil lumalaban ng halik si Angeline sa leading man niya.

“Sa totoo lang, nag-alangan ako siyempre, kasi ayoko naman na tanggapin ang pelikula na hindi ako kumportable. Unang-una, laging inilalatag sa amin kung ano ang takbo ng istorya at kung ano ang magiging role ko.

“So, nung nalaman ko na meron akong kissing scene, ang unang nilapitan ko ay ‘yung manager ko, si Sir Erickson (Raymundo). Ipinaliwanag naman po. After nu’n kay Direk Joel na, huwag raw akong mag-alala kasi hindi naman niya ako pababayaan sa mga eksenang ipapagawa niya sa akin. So, nagtiwala naman po ako, okay naman du’n. Wala namang masama kung subukan ko ‘yung mga bagay na hindi ko pa na-try lalo na pagdating sa acting.”

WALANG BOYFRIEND

Masarap bang humalik si Jake?

“Oo naman po. Pero mas masarap ako,” birong sabi ni Angge.

Paano niya nasabi, siya na mismo ang umamin na wala pa siyang karanasan sa tunay na buhay?

“Basta, ramdam ko po.”

Nabanggit din niya sa open forum ng presscon na matamis ang halik ni Jake.

Wala pang boyfriend si Angeline at sa edad na 27 ay umaasa siyang magkakapamilya na siya pagtuntong niya ng 30. Hindi itinanggi ng dalaga na may non-showbiz guys na nanliligaw sa kanya pero sinabihan niyang mas maganda kung magiging magkaibigan na lang sila.

“Sabi ko po sa kanila, mas magandang maging magkaibigan na lang tayo kasi hindi pa ako handa. Sabi ko pa, mamili sila, magiging magkaibigan kami para papasukin ko sila sa bahay ko o totally hindi na. Eh, so far po, tanggap naman nilang maging magkaibigan kami,” kuwento ng dalaga.

Ipinaalam namin kay Angeline na parati kaming pina-private message ng mga supporter nila ni Erik Santos. Ang mga ito ang nagsabi na baka raw hindi niya sinasagot ang King of Pop dahil may non-showbiz boyfriend siya, sabay padala sa amin ng mga litrato niya kasama ang mga pinagdududahang karelasyon niya.

“Naku, wala po akong boyfriend, ‘yung isa po kasi roon kaibigan ng pinsan ko kaya close sila at naging close ko na rin. Pero wala po talaga, hindi kami at wala akong boyfriend,” mariing sabi ni Angge.

KUSINERA

Kapansin-pansin na medyo lumusog si Angeline.

“Oo, Ate Reggs, tumaba talaga ako kasi nu’ng Pasko po at New Year, ako lang ang nagluluto,” kaswal niyang sabi.

Dagdag ng kanyang handler na si Cynthia Roque, kayang-kaya raw ni Angeline na magpakain ng 50 katao.

“Puwede siyang magtayo ng catering, marami siyang alam na luto, mahilig siyang magluto at masarap siyang magluto,” say ni Cynthia.

“Ate Reggee, nag-umpisa akong magluto (nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon) alas dos ng hapon, natapos ako mag-aalas siyete (ng gabi), basta may katulong lang akong maggayat-gayat, ako na lahat.”

Baked salmon, kaldereta, kare-kare, sisig, bulalo at maraming iba pa ang specialty niya. Pero kalderetang baka at bulalo ang paborito niya.

“Mahilig kasi ako sa beef,”sabi niya.

Magaling magluto ang tatay niya, at ito ang nagturo sa kanya.

Bakit hindi siya magtayo ng restaurant?

“Ate Reggee, may mga nag-aalok naman sa akin, sa ngayon po kasi hindi ko matutukan. Siguro po magtatayo ako ng business kapag may mga tao akong puwede kong pagkatiwalaan na. Ang hirap kasi kung hindi ka hands–on,” paliwanag niya.

BAKIT SI ERIK?

Pero hindi lang sa pagluluto champion si Angge, mahusay rin siya sa mga gawaing-bahay.

“Marunong akong maglinis ng bahay, maglaba, marunong ako magpintura ng bahay, maglinis ng banyo, marunong ako mag-arrange ng bahay, marunong ako magpaligo ng aso, marunong ako mag-igib, marunong ako mamalantsa, marunong ako magtanggal ng baha sa bahay at iba pang gawaing-bahay,” natatawang kuwento ng dalaga.

So, napakasuwerte ng mapapangasawa niya dahil bihira na ngayon ang babaeng kagaya niya. Sana si Erik na lang ang makatuluyan niya, na naghihintay lang sa kanya kung kailan siya magiging handang magpakasal.

“Alam na alam mo talaga, Ate Reggee ‘no?” natawang sambit sa amin.

Kailan nga ba magiging handa si Angeline?

“Hindi ko masabi, Ate Reggs, siguro kapag settled na ako (financially at emotionally), hindi ko alam kung ilang taon,” sagot sa amin.

Boto kami kay Erik para kay Angeline dahil pareho sila ng trabaho, kaya magkakasundo sila at magkakaintindihan, bukod pa sa stable na ang binata at magiging asawa na lang talaga ang hinihintay.