NAGISING mula sa pagkaidlip ang defending champion Nazareth School of National University para maitarak ang 78-71 panalo kontra Ateneo sa UAAP Season 79 junior basketball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Naglatag ng 23-9 salvo ang Bullpups sa krusyal na sandali upang mailayo ang laban at angkinin ang importanteng panalo sa pagpapatuloy ng elimination round.
Nalagay sa foul trouble ang mga key player na sina John Lloyd Clemente at Rhayyan Amsali na naging daan upang maungusan ang Nazareth at para mag-init ang wisyo ni coach Jeff Napa para mapatawan ng technical.
Ngunit, ang sitwasyon ang nagpabuhay sa dandamin ng Bullpups para maihabi ang scoring run sa third period para sa ikalimang sunod na panalo.
Dahil sa balanseng atake, nakalamang ang Blue Eaglets,38-33 sa pagtatapos ng fist half at tila nakakaamoy na ng tagumpay ang koponan lalo nang kapwa matawagan ng kanilang pangatlo at pangapat na foul ang star player nilang sina Amsali at Clemente sa kalagitnaan ng third quarter.
“Naging energizer talaga yung technical ko para magising yung boys na hindi namin sila iiwan,” pahayag ni Napa.
Ang panalo ang ikalimang sunod na panalo para sa NU at pampitong pangkalahatan nilang panalo sa loob ng walong laro na nagluklok sa kanila sa solong ikalawang puwesto.
Nagtala lamang ng pinagsamang 13 puntos sina Amzali at Clemente ngunit ang kanilang kakulangan ay pinunan ng bench player.
Nanguna sa panalo si Karl Penano na may 19 puntos kasunod si Paul Manalang na may 16 puntos at si Muhammed Sarip na nagposte ng 10 puntos at siyam na rebound.
Nalaglag naman ang Ateneo sa patas na barahang 4-4, matapos maputol ang kanilang three-game winning streak na nagbaba sa kanila sa ikaapat na puwesto. - Marivic Awitan