KABILANG sina UAAP titlist La Salle coach Aldin Ayo at Jamike Jarin ng San Beda College sa NCAA sa mga personalidad na nakatakdang parangalan sa Enero 26 ng mga miyembro ng UAAP-NCAA Press Corps sa pagdaraos ng kanilang taunang Collegiate Basketball Awards na gaganapin sa Montgomery Place Social Hall sa E. Rodriguez Ave., Quezon City.

Ang dalawang pamosong mentor ay tatanggap ng Coach of the Year award sa event na suportado ng Smart, Accel, Mighty Sports at MJM Productions matapos gabayan ang kani- kanilang koponan sa kampeonato ng dalawang major varsity league sa bansa.

Ibinalik ni Ayo ang winning tradition ng La Salle Green Archers, isang taon matapos mapagkampeon ang kanyamg alma mater Letran sa karibal na NCAA.

Nakabawi si Jarin sa natamong kabiguan Kay Ayo noong isang taon nang mapagkampeon muli ang San Beda Red Lions para sa ika-9 na titulo sa loob ng 11 season matapos talunin ang paboritong Arellano University Chiefs.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Si Ayo ang unang coach sa kasaysayan ng collegiate basketball na nagwagi ng titulo sa magkasunod na taon sa magkaibang liga. Nakatakda namang gabayan ni Jarin sa susunod na season ang National University Bulldogs, dahilan para muling mabuhay ang kanilang hidwaan sa court.

Bukod sa Coach of the Year, ang iba pang mga award na igagawad ay ang Smart Player of the Year award at Collegiate Mythical Five na ipagkakaloob ng Mighty Sports.

Gagawaran din ng award ang mapipiling Pivotal Player, Impact Player, Super Senior at Mr. Efficiency. Marivic Awitan