Pinuri ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang mga pulis at militar at lahat ng nasa likod ng matagumpay na pagdaraos ng Traslacion para sa kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno nitong Lunes.
Inabot man ng halos 22 oras bago naibalik sa Quiapo Church ang imahen ng Poong Nazareno dakong 3:30 ng umaga ahapon, naging maayos at payapa naman ito; walang debotong malubhang nasugatan o namatay, at wala ring nangyaring karahasan o kaguluhan.
“It’s a God’s miracle that no one was seriously hurt, no one died. No matter how excellent our preparations are, it is God’s doing that we we’re able to hold the Traslacion safely and peacefully,” ani Estrada.
Nasa 2.5 milyong deboto ang dumalo sa Traslacion, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), habang nasa 3.5 milyon naman ang taya ni Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel.
Samantala, iniulat ng Philippine Red Cross na 2,235 katao ang nagtamo ng minor injuries sa Traslacion habang pito ang kinailangang isugod sa ospital.
Sa kabila naman ng panawagan na huwag magkalat sa Traslacion, sinabi ni Che Borromeo, hepe ng Task Force Manila Cleanup, na umabot sa 12 truck ng basura o 69.43 tonelada ang nakolekta nila hanggang 9:20 ng umaga kahapon.
Aniya, halos doble ito kumpara sa pitong truck ng basura na nakolekta matapos ang Traslacion 2016.
(Mary Ann Santiago at Bella Gamotea)