Tambalang Westbrook at Adams, malupit; Pelicans at Wolves umayuda.

CHICAGO (AP) — Patuloy ang dominanteng laro ni Russell Westbrook at matikas ang bakas nang mga kasangga, sa pangunguna ni Kiwi center Steven Adams.

Kinapos lang ng isang rebound si Westbrook – 21 puntos, 14 rebound at siyam na assist – para isa pang triple-double performance, habang malupit sa loob si Adams para sandigan ang Oklahoma City kontra Chicago Bulls, 109-94, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Tangan ni Westbrook ang kabuuang 17 triple-double sa kasalukuyan ngayon season, ngunit ang suporta nina Adams at unheralded na si Enes Kanter ang nagbibigay tibay sa kampanya ng Thunder.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

"They do a great job of playing off each other," pahayag ni Westbrook.

Kumana si Adams ng 22 puntos mula sa 11-for-14 shooting, habang tumapos si Kanter na may 20 puntos at 11 rebound.

"I thought tonight, on both ends of the floor, we played at a high level," sambit ni coach Billy Donovan.

Nanguna si Dwyane Wade sa Chicago sa naiskor na 22 puntos, habang kumubra si Michael Carter-Williams ng 15 puntos.

Nag-ambag si Cristiano Felicio ng 11 puntos at 11 rebound.

Naglaro ang Bulls galing sa tatlong sunod na panalo, ngunit hindi nakalaro ang star player na si Jimmy Butler bunsod ng lagnat, sapat para magpiyesta ang Thunder sa opensa.

"I appreciate him coming out and giving it a shot. That says a lot about him, as a competitor, but he was really struggling, obviously," pahayag ni Bulls coach Fred Hoiberg.

WOLVES 101, MAVS 92

Sa Minnesota, hataw si Karl Anthony Towns sa naiskor na 34 puntos, 11 rebound at tatlong block, habang kumubra si Ricky Rubio ng 15 assist at 13 puntos para tuldukan ng Timberwolves ang four-game losing streak.

Naitala ni Towns ang 15-of-19 sa field, kabilang ang 2-for-3 sa three-pointer para sandigan ang Wolves kontra sa Dallas Mavericks.

Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 13 puntos at apat na rebound, habang kumana si Dieng ng 12 puntos at limang rebound para sa Minnesota.

Nanguna si Harrison Barnes sa natipang 30 puntos, habang kumawala si Dirk Nowitzkie sa naiskor na 26 puntos.

Bumagsak ang Dalla sa 11-27, habang naitala ng Wolves ang 12-26 marka.

PELICANS 110, KNICKS 96

Sa Madison Square Garden, dismayado ang home crowd sa hindi paglalaro ni Derrick Rose at pagkapatalsik sa technical ni Carmelo Anthony dahilan opera makalusot ang New Orleans Pelicans.

Ratsada si Anthony Davis sa naiskor na 40 puntos bago na-sideline dahil sa pananakit ng balakang. Binigyan ng flagrant foul 2 si Kyle O’Quinn sa pagbangga kay Davis na naging dahilan ng injury sa kaagahan ng laro.

Humugot din si Davis ng 18 rebound at tatlong blocks para tuldukan ang three-game losing skid ng Pelicans at kunin ang ika-15 panalo sa 39 laro. Nag-amnag sina Buddy Hield at Terrence Jones ng tig-11 puntos.

Nanguna sa Knicks si Brandon Jennings sa nakubrang 20 puntos, habang nalimitahan si Anthony sa 18 puntos.

Hindi naglaro si Rose dahil sa umano’y problemang personal. Kinumpiram ng Knicks management ang hindi pagpapaalam ni Rose para hindi makasama ng koponan sa laro para damayan ang pamilya.

Wala namang opisyal na pahayag ang All-Star member sa naganap na sitwasyon.