Nais ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na bisitahin si Pangulong Rodrigo R. Duterte sa simpleng tahanan nito sa Doña Luisa Subdivision sa Matina, Davao City.
Ito ang sinabi kahapon ni Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar. Hindi siya nagbigay ng karagdagang detalye kaugnay sa pagbisita ng prime minister sa bansa sa Enero 12 at 13.
“And the Prime Minister said na gusto niyang bisitahin ang Davao City, si Presidente, gusto niyang mapuntahan ang bahay ni Presidente Duterte, iyong bahay mismo sa Davao City,” aniya.
Si Abe ang magiging unang head of state na bibisita sa bansa sa ilalim ng panguluhan ni Duterte.
Sinabi ni City Tourism Office head Generose Tecson na ang tirahan ng Pangulo ay dinarayo ng mga turista na nais masilayan ang sikat na bahay na may berdeng pintura.
Sa katunayan, dahil sa paghimok ng ilang turista, inilunsad ng Department of Tourism (DoT)-11 noong Agosto 2016 ang “Duterte package” na tampok ang pagbisita sa bahay ni Duterte, Davao City Hall, Central 911, at Public Safety and Security Command. (ANTONIO L. COLINA IV)