MAGANDA ang pasok ng 2017 para kay Ronnie Alonte. Patuloy na pinipilahan sa mga sinehan ang dalawang entry niya sa Metro Manila Film Festival, ang Vince & Kath & James at ang Seklusyon.
Kaya marami ang nagsasabi na maaring taon ni Ronnie ang 2017.
Pero kasabay din nito ang hindi magandang feedback sa acting niya, wala raw kalatuy-latoy at parang tuod umarte.
May kung anu-ano pang mga negatibong komento ang ibinabato sa kanya, pero sa halip na panghinaan ng loob ay mas pinipili niyang magpasalamat sa blessings na dumating sa kanya. Hahayaan daw muna niya ang hindi magagandang komento sa kanya.
Inaamin ni Ronnie na kahit papaano ay naaapektuhan siya sa pamimintas sa acting niya. Kung meron na raw kasing bagong John Lloyd Cruz sa katauhan ni Joshua Garcia ay next Onemig Bondoc naman ang tawag ng detractors ni Ronnie.
Acting ala Onemig Bondoc daw kasi ang nakikita sa kanya ng mga ito, huh!
“Well, ano’ng magagawa ko, di ba? Mahina ako sa ganu’n, eh. Ginagawa ko din naman ang anumang hinihingi sa akin ng director. Pero sa ngayon, eh,dapat na hayaan ko na lang sa kung anuman ang komento nila sa acting ko.
“Sa akin naman, eh, hindi ko rin naman mapipigilan kung bina-bash ako o hindi.Basta ako, eh, ginagawa ko ang trabaho ko bilang artista,” sabi ng baguhang aktor.
Ikinuwento sa amin ni Ronnie ang mga susunod na proyektong gagawin niya, pagkatapos ng dalawang pelikula niya na pawang nag-hit sa box office.
Magsasama sila ulit ni Julia Barretto sa bagong teleserye ng ABS-CBN at may gagawin din silang bagong pelikula.
(Jimi Escala)