Ang Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila, tuwing Enero 9 ay isa sa mga pinakasikat na relihiyosong okasyon sa Simbahang Katoliko dahil sa mga himalang iniuugnay dito. Kaya naman matinding seguridad ang inilalatag ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan, partikular sa prusisyon ng Poon mula sa Rizal Park pabalik sa Quiapo Church o ang tinatawag na traslacion.
Taun-taon ay may naiuulat na mga nasaktan, karamihan ay hinimatay, at ilang nasawi sa traslacion na dinadagsa ng milyun-milyong deboto mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Noong nakaraang taon ay inaabot ito ng mahigit 19 na oras.
FORCE MULTIPLIER
Ngayong taon, magpapakalat ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng 2,000 pulis upang magbigay na seguridad sa traslacion sa Lunes.
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, tutulong sa pagpapaigting ng seguridad ang may 3,000 barangay tanod sa lungsod ng Maynila. Sila ang magsisilbing force multiplier.
Sinabi naman ni Manila Police District (MPD) Director Police Senior Supt. Joel Coronel na ibubuhos nila ang kanilang puwersa upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa traslacion.
IWAS-TRAPIK
Maglalabas din ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Manila Traffic Department ng traffic management at rerouting scheme para sa mga apektadong kalsada na daraanan ng prusisyon.
Payo ng MMDA sa motorista, asahan na ang mas masikip na daloy ng trapiko sa iba’t ibang lansangan sa Metro Manila, partikular sa lungsod ng Maynila, habang papalapit ang mismong Pista ng Itim na Nazareno at sa mismong araw ng kapistahan sa Lunes.
‘HUWAG KANG PAPATAY’
Kahapon nagkaroon ng briefing ang mga opisyal ng pulisya at ng Simbahan sa Quiapo Church, upang ilatag ang paghahanda sa malaking selebrasyon.
Inilabas ng Simbahan ang opisyal na logo para sa Traslacion 2017 at ang tema ng pagdiriwang ngayong taon: “Pag-ibig ang Buklod ng Ganap na Pagkakaisa,” (Colossians 3:14) na rito ay nakasulat ang katesismo na “Huwag Kang Papatay.”
Nilinaw ni Father Badong na ang katesismo na, “Huwag Kang Papatay” ay hindi tumutukoy bilang kampanya laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, kundi ito ay mahalagang utos ng Diyos kagaya ng “Huwag Kang Magnakaw”.
Paliwanag niya, nangangahulugan ito ng pagpapahalaga sa buhay, sa iba’t ibang pananaw, katulad ng pagbibigay ng oras sa pamilya, na kung walang oras ay pinapatay ang pamilya o kapag lulong sa droga, pinatay din ng gumagamit nito ang kanyang buhay.
Nanawagan siya sa mga deboto na ihanda ang sarili, physically, emotionally at spiritually para sa traslacion.
(BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO)