PINANGATAWANAN ng De La Salle University ang kanilang pre-season tag “team-to-beat” nang tanghaling kampeon – sa isa pang pagkakataon sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament.

Matamis ang tagumpay sa Green Archers, higit at nakuha nilang muli ang korona laban sa mahigpit na karibal na Ateneo Blue Eagles.

Subalit, taliwas sa iniisip ng ilan, hindi ganun kadali ang naging adjustment sa bagong sistema ng kanilang bagong coach na si Aldin Ayo na sa huli ay siyang naging tunay na panalo sa kanyang pag-ukit ng bagong pahina sa kasaysayan ng collegiate basketball bilang unang coach na nagkampeon ng magkasunod na taon sa magkaibang liga.

Ginabayan ni Ayo ang Letran sa NCAA championship noong 2015 at muling naluklok sa pedestal bilang rookie-champion coach ng Green Archers sa UAAP.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sinabi ni Ayo, na ang buong pusong pagtanggap ng Green Archers sa pangunguna ng kanilang skipper at King Archer na si Jeric Teng -- tinanghal na Finals MVP -- sa kanyang sistema at ang tiwala na ibinigay ng pamunuan ng La Salle ang siyang susi sa kanilang tagumpay.

Ang naging kabiguan na pumigil sa kanilang target noon na awtomatikong pag-usad sa finals ang nagsilbing pinakamatinding “motivation” para sa Green Archers lalo na sa championships series.

Bukod kay Teng, nagsilbing pinakamalaking bentahe ng Green Archers na siya ring dahilan kaya nadomina nila ang kabuuan ng liga ay ang paglaro ni Cameroonian center na si Ben Mbala, ang tinanghal na Season MVP.

Ang kampeonato ang ikasiyam na titulo ng Green Archers kasunod ng huling tagumpay noong 2013.

Sa gitna ng kanilang naging kabiguan sa La Salle, hindi naman matatawaran ang naabot ng Blue Eagles na dahil sa pagkawala ng mga key players na sina Kiefer Ravena at Von Pessumal ay pinagdudahan ang kakayahang makaabot sa Finals.

Sa pangangasiwa ni dating Gilas coach Tab Baldwin, nabuong isang ‘winning team’ ang batang Blue Eagles na kinabibilangan nina Aaron Black, Isaac Go at ang nakababatang kapatid ni Ravena na si Thirdy.

Maliban sa Ateneo, hinangaan din ng marami ang Adamson na sa unang pagkakataon ay muling nakabalik ng Final Four pagkaraan ng apat na taon sa paggabay ni coach Franz Pumaren.

Gaya ng Falcons, puno rin ng inspirasyon ang naging kampanya ng University of the Philippines bagama’t nabigo silang umabot ng semifinals.

Tumapos ang UP na may 5-9 na baraha at pang-anim sa 8-team league.

Ang ipinamalas nilang “fighting spirit” sa pakikipaglaban para humabol sa Final Four ang naging dahilan upang makuha ng Fighting Maroons ang puso ng mga basketball fans sa pamumuno ng kanilang tatlong graduating seniors na sina Jett Manuel, Henry Asilum at Dave Moralde sa paggabay ng bago nilang coach na isa ring graduate ng UP na si Bo Perasol.

Ngunit, sa likod ng tagumpay at inspirasyon, mayroon din namang nakapanghihinayang at nakapanlulumong kinahinatnan at nangunguna na rito ang isa sa mga pre-season favorite National University.

Taliwas sa dating kampeong Far Eastern University na taas noong nagtapos bilang third placer ng torneo, maituturing na isang malaking kabiguan ang kampanya ng Bulldogs ngayong taon sanhi ng pagkakasibak sa Final Four.

Ang kabiguan ang siyang itinuturong dahilan kung bakit nagbitiw ang kanilang headcoach at ang buo nitong coaching staff bago matapos ang taon.

Nakapanghihinayang din higit sa kanilang coach na si Derrick Pumaren ang naging pagtatapos ng University of the East sa ikapito at mayroon lamang tatlong panalo kaparis ng last place University of Santo Tomas.

Wala halos pagbabago sa kanilang line-up, bigong mag-deliver ng mga beteranong manlalaro ng Red Warriors para pangatawanan ang kanilang pre-season billing bilang isa sa mga paborito koponan.

Buhat naman sa pagiging finalist sa nakaraang dalawang taon, hindi inaasahan ang pagtatapos na panghuli ng Tigers na hindi lamang dumanas ng mga di inaasahang pagkatalo kundi nakahihiyang kabiguan sa kamay ng Green Archers, 56-99 noong unang round at 62-100 noong second round.

Dahil dito, maugong din ang balitang magpapalit ang Tigers ng coach at inaasahan ang pagbabalik ni dating Ginebra star Pido Jarencio, ang huling coach na nagpakampeon sa Tigers noong 2006. (Marivic Awitan)