MAGSISILBING host ang Pilipinas sa Asian level boxing tournament sa pagsasagawa ng ASBC Asian Junior Boxing Championships.

Ito ang isiniwalat mismo ni Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) Executive Director Ed Picson matapos makuha ng bansa ang karapatan na muling i-host ang Asian Junior Boxing Championships sa Agosto 2017.

Sinabi ni Picson na kinunsidera ng Asian Boxing Confederation (ASBC) para igawad ang hosting rights matapos ang ginanap na Executive Committee Meeting sa Abu Dhabi, United Arab Emirates ang magandang pagsasagawa ng torneo at kaaya-ayang ekspiriyensa ng mga lumahok sa unang hosting ng bansa dalawang taon na ang nakakaraan.

Una munang ipinaalam sa pulong ni ABAP President Ricky Vargas sa matataas na opisyales ng Asian Confederation ang kahandaan ng bansa na muling maging punong-abala sa nasabing event na nakatakda sa Agosto 3-8.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang lungsod ng Davao ang kinukunsidera ng ABAP bilang lugar para sa torneo.

Ito ang ikalawang pagkakataon sa ABAP sa ilalim ng liderato ni Vargas na magsisilbing host sa internasyonal na torneo ng ASBC matapos na unang maghost noong 2013 Asian Youth Championships sa Subic.

Ipinaliwanag naman ni Vargas na ang pagho-host sa Asian Junior at ang magandang pagpapakita ngayong taon ng mga batang miyembro ng koponan sa internasyonal ay paraan para maipakita ang pagnanais ng asosasyon na makahanap ng panibagong talento at masanay sa matitinding labanan para mas maging kompetitibo sa international level.

(Angie Oredo)