Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman (OMB) ang paghahain ng kasong graft laban sa dating kongresista ng Maguindanao na si Simeon Datumanong dahil sa umano’y maanomalyang paggamit sa P3.8 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.

Pinakakasuhan din ang mga opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na sina Commissioner Mehol Sadain, Fedelina Aldanese, Aurora Aragon-Mabang, Olga Galido, Queenie Rodriguez, Galay Makalinggan, at si Gracita Cecilia Mascenon-Sales, ng Maharlika Lipi Foundation, Inc. (MLFI).

Ayon sa record, Mayo 2012 nang nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng Special Allotment Release Order na nagkaloob ng P3.8 milyon sa implementing agency na NCMF, mula sa PDAF ni Datumanong.

Ang pondo ay para sa mga programang pangkabuhayan, tulad ng paggawa ng sabon at kandila at pagpoproseso ng karne para sa mga munisipalidad ng Mamasapano, Ampatuan at Datu Abdullah Sanki sa Maguindanao.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Upang mapabilid ang paglalabas ng pondo, hiniling ni Datumanong na maipalabas ang P3.8 milyon sa MLFI bilang katuwang na NGO.

Sa auditing, nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na ang pagpili sa NGO ay isang paglabag sa COA Circular No. 2007-01, dahil sa kawalan ng public bidding sa pagtukoy sa magiging katuwang na implementing agency.

Depensa naman ni Datumanong, pineke umano ang mga lagda niya sa mga dokumentong sinuri ng COA. (Jun Ramirez)