Inabandona na lamang ng dalawang ‘di pa nakikilalang lalaki ang kanilang sport utility vehicle (SUV) matapos silang parahin sa ‘Oplan Sita’ sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Police Chief Insp. Michael Garcia, ng Barbosa Police Community Precinct (PCP), dakong 7:10 ng gabi nang parahin nila ang isang itim na Toyota Fortuner (AQA 5094) sa Legarda Street, malapit sa Claro M. Recto Avenue.

Gayunman, sa halip na huminto ay humarurot pa umano palayo dahilan upang sundan ng mga pulis at nagkaroon ng habulan.

Pagsapit sa intersection ay naka-red signal kaya napilitang huminto ang mga suspek at sila’y inabutan ng mga pulis.

DA tinututukan paggalaw ng presyo ng prutas sa pagsalubong sa 2025

Dito na napilitang bumaba at tumakbo ang mga suspek sa magkakaibang direksiyon at inabandonang nakabukas ang pinto at umaandar ang makina ng kanilang sasakyan.

Tinangka pa umanong habulin ng mga pulis ang dalawang suspek ngunit nakatakas na ang mga ito.

Nang siyasatin ang sasakyan ay dito nila narekober ang dalawang granada, isang Armscor caliber .45 at travelling bag na may lamang damit ng babae at bata, driver’s license receipt na nakapangalan sa isang Norodin Silongan Tasil, Western Union senders receipt na nakapangalan sa isang Saada Abdullah at improvised plate number na AKA -8672.

Nang beripikahin, nabatid na nakarehistro kay Romina Abubakar, ng 131 Mujahedeen Salam Compound, Culiat, Tandang Sora, Quezon City, ang nasabing sasakyan.

Dinala sa MPD Headquarters ang sasakyan habang kinuha naman ng mga tauhan ng Explosive and Ordinance Division (EOD) ang dalawang granada. (MARY ANN SANTIAGO)