Inaasahang aangat pa sa world rankings si dating WBO Oriental light flyweight champion Jessie Espinas matapos talunin sa 9th round technical decision si Lito Dante nitong Disyembre 21 sa Barangay Cupang Covered Court, Muntinlupa City.

Itinigil ni referee Ferdinand Estrella ang laban sanhi ng sugat sa kaliwang kilay ni Espinas bunga ng accidental headbutt at nanalo ito sa scorecards nina judges Jerrold Tomeldan, Randy Caluag at Alberto Llaneta pawang sa iskor na 77-75.

Naitala ni Espinas ang ikalimang sunod na panalo, apat sa pamamagitan ng knockout kaya inaasahang aangat siya sa susunod na world rankings. Kasalukuyan siyang WBA No. 5, WBO No. 8 at WBC No. 12 contender sa light flyweight division.

Napaganda ni Espinas ang kanyang record sa 16-2-0 win-loss-draw na may 11 panalo sa knockout at umaasang mapapalaban sa world title bout sa papasok na taong 2017. (Gilbert Espeña)

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA