Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DoH) na ang unang tatlong biktima sa ilalim ng kanilang firework-injury reduction campaign ay pawang menor de edad.
Sa inisyal na impormasyon, sinabi ni Health Secretary Paulyn Ubial na sa ilalim ng Aksyon: Paputok Injury Reduction (APIR) campaign, tatlong kaso na ang naitala sa mga ospital.
Ayon kay Ubial, ang bilang na ito ay mas mababa ng dalawang beses kaysa noong 2015. Dalawa sa tatlong batang biktima ay babae.
Dalawa sa kaso ang naiulat na aktibong nagpapaputok sa kalsada. Ang mga biktima ay nagtamo ng sugat.
Ang unang biktima ay isang anim na taong gulang mula sa Ilocos Norte, na nasugatan sa kanang mata dahil sa boga.
Siyam na taong gulang naman ang ikalawang biktima sa Maynila na nahiwa ang kanang kamay dahil sa pagpapaputok ng piccolo.
Samantala, dahil sa luces ay nasunog ang kaliwang kamay ng isang 10-anyos sa Pasay City. (Argyll Cyrus B. Geducos)