Hindi nagawang i-turn over ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang P20 milyon na bahagi ng P50 milyon na umano’y nagmula sa pangingikil ng dalawang deputy commissioner ng kawanihan mula sa gambling operator na si Jack Lam.

Miyerkules nang binigyan ng 24-oras ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II si Morente upang ibalik ang pera sa Department of Justice (DoJ) o sa National Bureau of Investigation (NBI), na nag-iimbestiga sa kaso.

Una nang sinabi ng nagsipagbitiw na sina BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles na sa P50 milyon ay P30 milyon ang napunta sa kanila, habang ang P18 milyon ay tinanggap ng sinibak at dating acting BI intelligence chief na si Charles Calima Jr. at ang P2 milyon ay napunta sa retiradong police general na si Wally Sombero.

Ang P50 milyon ay para umano sa pagpapalaya sa ilan sa 1,316 na Chinese na naaresto nitong Nobyembre 24 sa ilegal na pagtatrabaho sa Fontana Leisure Park and Casino Hotel ni Lam sa Clark, Pampanga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Disyembre 13 nang personal na isinuko nina Argosino at Robles ang P30 milyon kay Aguirre.

Gayunman, sinabi kahapon ni Morente na hindi niya mababawi ang P18 milyon kay Calima dahil wala na ito sa kanyang hurisdiksyon matapos itong sibakin ni Aguirre noong nakaraang linggo.

ITINURO SA CIDG

“However, Gen. Calima has appraised me that he has filed a complaint with the Criminal Investigation and Detection Group, Philippine National Police, for plunder against the two associate commissioners,” saad sa memorandum ni Morente kay Aguirre.

“Together with his filing, he turned over the two paper bags to the said office, which after accounting, revealed the amount of P18 million. The custody over the evidence is with the CIDG hence the undersigned could no longer turn over the same to the Honorable Secretary,” paliwanag pa ng BI chief.

Dahil dito, hiniling ni Aguirre kay CIDG head Chief Supt. Roel Obusan na isauli sa DoJ ang P18 milyon na ayon kay Morente ay isinuko ni Calima sa pulisya.

Hindi naman kuntento si Aguirre sa nasabing paliwanag ni Morente, at sinabing dapat na nasa kustodiya ng huli ang P18 milyon mula kay Calima.

“I am not satisfied with the reply and explanation,” saad sa text message ni Aguirre. “When I terminated him (Calima) from his post, he (Morente) should have asked him to surrender the money to him.”

PLUNDER NAMAN

Samantala, para umano makaiwas sa media ay palihim na naghain kahapon sa Office of the Ombudsman ng kasong plunder si Calima laban kina Argosino at Robles, bandang 8:00 ng umaga.

Kahapon din, isinauli ni Sombero sa Ombudsman ang P2 milyon na bahagi niya sa sinasabing bribe money.

Tumatayong middleman ni Lam, sinabi ni Sombero sa kanyang supplemental complaint affidavit na ang nasabing pera ay bahagi ng ebidensiya niya sa mga kasong extortion at graft na isinampa niya noong nakaraang linggo laban kina Argosino at Robles. (MINA NAVARRO, JEFFREY DAMICOG at JUN RAMIREZ)