Cavs, Celts at Magic, nakahirit sa extra period.
MILWAUKEE (AP) — Naisalpak ni LeBron James ang go-ahead three-pointer may 24 segundo ang nalalabi sa overtime para sandigan ang Cleveland Cavaliers sa pahirapang 114-108 panalo kontra Milwaukee Bucks Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).
Umabante ang Milwaukee sa 108-107 mula sa tip-in ni Giannis Antetokounmpo may 1:12 sa laro. Nagmintis si Cleveland guard Kyrie Irving sa three-pointer sa sumunod na possession, ngunit iniluwa ng rim ang tira ni Jabari Parker para sa potensyal na three-point na bentahe.
Nakuha ni James ang rebound at na-fouled ni Antetokounmpo – ikaanim ng Greek superstar – bago sinopresa ang home crowd sa pinakawalang three-pointer para agawin ang bentahe pabor sa Cleveland, 110-108.
Nakakuha ng foul si Parker, subalit sumablay ang dalawang free throw na posible sanang humila sa second overtime.
Inilayo ni Irving ang bentahe sa 112-108 mula sa dalawang free throw may 15.7 segundo ang nalalabi.
Hataw si James sa naiskor na 34 puntos, sapat para lagpasan ang namayapang NBA legend Moses Malone sa ikawalong puwesto sa all-time scoring list. Nakalikom si James ng kabuuang 27,442. Naitala ni Malone sang career points na 27,409 bago nagretiro. Pumanaw siya sa edad na 60.
Ang cage icon na si Kareem Abdul-Jabbar ang nangunguna sa listahan na may kabuuang 38,387 puntos.
SPURS 102, ROCKETS 100
Sa Houston, umuwing luhaan ang home crowd nang maisalpak ni Patty Mills ang three-pointer may 12.9 segundo para sandigan ang San Antonio Spurs laban sa mainit na Rockets.
Nagmintis si Eric Gordon sa sariling three-point shot, ngunit sumablay din ang dalawang free throw ni Manu Ginobili para sa isa pang pagkakataon na maagaw ng Rockets ang panalo. Nabigyan nang tira si James Harden subalit sablay ang kanyang three-point sa buzzer.
Nahila ng San Antonio ang winning run sa lima para sa matikas na 15-1 marka sa road game, habang natuldukan ang impresibong 10-game winning streak ng Houston.
Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs sa naiskor na 21 puntos, habang kumana si LaMarcus Aldridge ng 17 puntos at 10 rebound.
Kumubra si Harden ng 31 puntos, 10 rebound at pitong assist.
HORNETS 117, LAKERS 113
Sa Charlotte, North Carolina, ratsada ang Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na kumana ng 28 puntos at 10 assist, para mahabol ang 19 puntos na bentahe at gapiin ang Los Angeles Lakers.
Nag-ambag si Marco Belinelli ng 11 puntos sa krusyal na final period para patatagin ang Hornets.
Hataw si Walker sa naiskor na 15 puntos sa third quarter at nakuha ang importanteng rebound may 27.9 segundo sa laro para bigyan ng pagkakataon ang game-tying basket ni Nicolas Batum may 13 segundo ang nalalabi.
Kumubra si Batum ng 23 puntos mula sa 8-of-12 shooting, bukod sa 10 assist, habang umiskor si Belinelli ng 13 puntos.
Nanguna sa Lakers si Jordan Clarkson na may 25 puntos, habang tumipa si Nick Young ng 24 puntos.
CELTICS 112, GRIZZLIES 109, OT
Sa Memphis, Tennessee, nagsalansan si Isaiah Thomas ng career-high 44 puntos, tampok ang 36 sa halftime para akayin ang Boston Celtics sa panalo kontra Memphis sa overtime.
Matapos makuha ng Grizzlies ang 106-105 bentahe sa basket ni Tony Allen may 1:10 sa extra period, umiskor ang Celtics ng 5-0 run para sa panalo.
Kumubra si Al Horford ng 17 puntos at 14 rebound sa Celtics, habang nag-ambag si Avery Bradley ng 16 puntos.
Nanguna sina Marc Gasol at Troy Daniels sa Memphis sa natipang tig-24 puntos. Kumubra si Mike Conley ng 19 puntos at walong assist.
Sa iba pang laro, naungusan ng Orlando Magic, sa pangunguna ni Nik Vucevic na kumana ng 26 puntos at 12 rebound, ang Miami Heat sa double overtime; napantayan naman ni Carmelo Anthony ang season-high 35 puntos sa panalo ng New York Knicks kontra Indiana Pacers, 118-111; namayani ang Toronto Raptors sa Brooklyn Nets, 116-104; giniba ng New Orleans Pelicans ang Philadelphia Sixers, 108-93.