Kahit papalapit na ang Pasko, patuloy ang mahigpit na kampanya ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa ilegal na droga at tatlo na naman umanong kilabot na tulak ang napatay sa buy–bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director Police chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar ang mga napatay na suspek na sina Joel Parian, alyas “Joel”, 35; Leo Pacula y Orbe, alyas “Leo”, 55, ng Area 6, Barangay Holy Spirit, Quezon City; at Henler Baduya, alyas “Tikboy”, ng No. 29 Sitio Cabuyao, Bgy. Sauyo, Novaliches.
Sa report ni Police Supt. Lito E. Patay, hepe QCPD-PS6, dakong 7:30 ng gabi kamakalawa, sinalakay ng mga operatiba ng Station Anti–Illegal Drugs (SAID) ang bahay ni Pacula na nagsisilbi umanong dug den sa Area 6, Nawasa Road, Veterans Village, Bgy. Holy Spirit, Quezon City at ikinasa ang operasyon.
Isang sibilyan ang tumayong poseur-buyer ngunit nakatunog umano ang mga suspek kaya nauwi sa pamamaril dahilan upang duguang bumulagta sina Joel at Leo.
Samantala, dakong 7:45 ng gabi, ikinasa ang buy–bust operation sa bahay ni Tikboy sa Bgy. Sauyo Novaliches.
Nabatid na agad pumalag at nakipagbarilan si Tikboy sa mga awtoridad na kanyang ikinasawi habang ang kapatid niyang si Lito ay agad nakatalilis. (Jun Fabon)