Nagpasiklab si Pinoy boxer Aston Palicte sa kanyang unang laban sa ilalim ng Roy Jones Jr. Boxing Promotions nang talunin si WBC No. 4 flyweight Oscar Cantu sa 10-round split decision para matamo ang bakanteng WBO Inter-Continental at NABF super flyweight titles nitong Linggo sa Downtown Las Vegas Events Center, Las Vegas, Nevada.

Bukod sa pinalasap ng unang pagkatalo ang matibay na si Cantu, tiyak na aangat sa world ranking si Palicte na kasalukuyan ding IBF Pan Pacific at WBO Oriental super flyweight titlist at posibleng ikasa sa world title bout ni Jones sa kanyang susunod na laban.

Main event sa 2016 "Knockout Night at the D" ang sagupaan nina Palicte at Cantu kung saan nagpakita ng agresibong estilo ang Pinoy boxer para dominahin ang laban at magwagi sa mga iskor na 98-92 at 96-94 samantalang isang Latin American judge ang kumampi sa Mexican American sa iskor na 96-94.

“The Palicte vs. Cantu main event, as expected, was a classic match-up of contrasting styles between a dangerous puncher (Palicte) and consummate boxer (Cantu),” ayon sa ulat ng BoxingScene.com. “There was surprising non-stop action from the opening bell. Power punching Palicte pressed the action as the clear aggressor, but Cantu stood in the pocket, too, as the technician used his defensive skills to make things difficult for his world rated Filipino opponent.”

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kasalukuyang nakalista si Palicte na No. 11 contender kay IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas na isa ring Pilipino at No. 15 kay WBO junior bantamweight titlist Naoua Inoue ng Japan pero inaasahang makapapasok siya sa WBC rankings para sa buwan ng Disyembre sa pagsungkit sa NABF crown.

Gumanda ang rekord ni Palicte sa 22-2-0 na may 18 pagwawagi sa knockouts samantalang may rekord ngayon si Cantu na 14 panalo at isang talo. (Gilbert Espeña)