miss-world-reuters-copy

NAKAPASOK sa Top 5 ang pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray sa Miss World 2016 coronation night na ginanap sa Maryland, USA, kahapon.

Naiuwi ng Miss Puerto Rico na si Stephanie del Valle ang korona ng Miss World 2016, pangalawa si Miss Dominican Republic Yaritza Miguelina Reyes Ramirez at pangatlo si Miss Indonesia Natasha Mannuela.

Nasungkit ni Gray ang Multimedia Award na naghatid sa kanya sa Top 20.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens sa social media ang resulta, na hindi man lamang umano pumasok si Catriona sa Top 3. May mga nagalit at mayroon din namang tinanggap at ikinatuwa na rin ang pagkakapasok niya sa Top 5.

Sa Twitter ipinahayag ni ‏@KapitanBooCao ang pagkadismaya sa resulta ng pageant:

“Ang ganda ng sagot ni Ms. Philippines sa Miss World, pero di s’ya ang nanalo??? Sarap n’yo pong sunugin ng torch..haha.”

Sa katanungan ni Miss World 2015 Mireia Lalaguna na, “Which qualities do you think it will take to wear my crown?” ay ito ang kasagutan ni Catriona:

“I think first of all, it takes bravery. To be a Miss World is to carry a burning torch. It is like action carried out by one to illuminate the lives of many. And I would dedicate my whole self, my love for the arts, and my voice to trying to uplift, empower, and educate people. And it would be my greatest honor and duty to hold this torch high enough so that all the world could feel and see its light.”

Sabi naman ni @nicolasora_jr na umaapelang ipakita ng Miss World ang score card ng pageant:

“Ms. Puerto Rico won the crown, but Ms. Philippines @catrionaelisa won the world. We are so proud of you.

@MissWorldLtd show us the score card.”

Hindi rin pinalampas ni ‏@LJ_Lagunsad ang paggamit kay Steve Harvey para ipakita ang kalungkutan sa naging resulta.

“Steve Harvey we need youuuu! Ms. Philippines Catriona Gray should’ve won... #MissWorld2016.”

Matatandaang nagkamali si Steve Harvey, bilang host sa Miss Universe 2015, sa pag-announce ng nanalo; tinawag niya si Miss Columbia Ariadna Gutierrez sa halip na si Miss Philippines Pia Wurtzbach.

Nagsimulang makilala si Catriona Gray bilang isa sa finalists ng modelling competition ng isang Australian magazine na Girlfriend noong 2007. Bumalik siya sa Pilipinas nang magtapos ng high school para ipagpatuloy ang kanyang modelling career. Sa edad na 18, kinilala siya ng Cosmo bilang isa sa walong pinakaseksing modelo sa Pilipinas.

Tinanghal siyang Miss World-Philippines nitong nakaraang Oktubre.

Iisa pa lamang ang Pilipina na kinoronahan sa Miss World, ang actress-model na si Megan Young, noong 2013 sa Bali, Indonesia. Nagsilbing host ng pageant night kagabi si Megan. (MARGARETT TUMALE)