Malubhang sugatan ang isang construction worker matapos hampasin ng tubo ng kanyang katrabaho sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang nagpapagaling ang biktimang si Reynaldo Vicente, 37, habang tumakas naman ang suspek na si Bernard Rosales, 36, kapwa stay-in construction worker sa SBC Building, na matatagpuan sa 1264 Masangkay Street sa Tondo.

Sa pagsisiyasat nina SPO1 Reynaldo Ferrer at PO1 Gino Cusipag, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang insidente sa loob mismo ng kanilang tinutuluyan.

Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Renato Mongado, 42, at katrabaho nina Vicente at Rosales, bago ang insidente ay lasing na dumating si Vicente at sa hindi pa batid na dahilan ay hinabol niya ng kahoy ang suspek.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Nang abutan ay nagkasuntukan ang dalawa hanggang sa nakadampot ng tubo si Rosales at hinampas sa ulo si Vicente bago mabilis na tumakas. (Mary Ann Santiago)