MALAKI ang problema ngayon ni DoJ Secretary Vitaliano Aguirre II sa pagkakasangkot ng kanyang departamento sa kikilan ng P50 milyon sa business tycoon na si Jack Lam. Sa ilalim niya ang Bureau of Immigration (BI) na ang Deputy Commissioners nito na sina Al Argosino at Michael Robles ay nakuhanan ng CCTV na tinatanggap ang salapi kapalit ng paglaya ng mga Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa casino ni Lam. Hinuli kasi ng BI ang mga ito.

Si Aguirre ang nais ni Catanduanes Gov. Joseph Cua na mag-imbestiga sa nadiskubreng shabu laboratory sa Virac na sa taya ng anti-drug operatives ay ito na ang pinakamalaki sa kanilang mga sinalakay. “Gaya ng DoJ, NBI at Philippine National Police,” wika ni governor, “ang provincial government ay interesado ring mapalabas ang katotohanan ukol sa Virac shabu laboratory at illegal drug trade sa Catanduanes.” Kaya naman hiniling niya na ang mismong DoJ ang magsagawa ng tapat at malayang imbestigasyon.

Ayon sa governor, ang balitang nakarating sa kanya na apat na Chinese national, kasama sina Jayson Gonzales Uy at Paolo Uy, ang pinalaya isang araw bago salakayin ng NBI ang shabu laboratory. Sina Jayson at Paolo ang operator umano sa laboratoryo at illegal drug manufacturer din.

Nagtaka raw ang gobernador kung paano nakarating sa mga ito ang napipintong raid ng NBI kaya nakatakas ang mga ito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi ko alam kung naglilinis-linisan ang gobernador, dahil pinaghihinalaan siyang may kaugnayan sa shabu lab. Pero, ayon sa kanya, ang lupang kinatitirikan ng laboratoryo ay inuupahan ng asawa ng opisyal ng NBI regional office.

Tapat at malayang imbestigasyon ang nais ni Governor Cua kaya nais niyang si Sec. Aguirre ang mag-imbestiga. Umaasa siyang sa pamamagitan nito ay lalabas ang katotohanan tungkol sa shabu laboratory at illegal drug trade sa Catanduanes, at para mapanagot na rin sa batas ang mga sangkot dito.

Kaya kayang gawin ito ni Aguirre pagkatapos na masangkot ang BI, na isa sa mga ahensiyang pinamamahalaan niya, sa multi-milyon pisong... extortion? Eh, ang NBI, tulad ng BI, ay nasa kanya ring pangangasiwa. Ang asawa ng opisyal ng regional office nito sa Catanduanes ay lumalabas na sangkot sa shabu laboratory.

Ang moral authority ni Aguirre na pamunuan ang DoJ at gampanan ang tungkulin nito nang tapat at malaya ay nabahiran na. Ang problemang nais na lutasin ni Aguirre ay may kaugnayan na sa droga na pinagmumulan ng limpak-limpak na salapi. Hindi ito maganda sa war on drugs ng Pangulo na nalilibre ang gumagawa ng droga at napapatay ang mga dukhang pinagkakakitaan para sa kanilang pang-araw-araw na ikabubuhay. (Ric Valmonte)