KUNG pagbabasehan ang pahayag ni Direk Erik Matti nang mainterbyu namin sa presscon ng Seklusyon tungkol sa ididirihe niyang Darna movie, wala pa palang final decision ang Star Cinema kung sino ang magbibida sa nasabing pelikula.
Simula kasi nang lumabas ang balita tungkol sa panibagong Darna movie, nagkanya-kanyang pahulaan na ang lahat kung sino ang final choice.
May nagsasabing si Angel Locsin na raw naman talaga ang final choice. Pero humihirit naman ang kampo ng fans nina Liza Soberano, Jessy Mendiola, atbp.
Lahad naman ni Direk, hintayin na lang ang announcement ng ABS-CBN management. “Kilala naman nila ako. Hindi ako makapili sa kung sinuman ang ididirek ko. Pero alam naman siguro ng lahat na eversince mula noon na si Angel talaga ‘yun, eh, so hintayin na lang natin kung siya ba talaga ang mapalad na magiging Darna,” sey ni Direk Erik.
Umamin si Direk na siya ay madalas na hindi makatulog sa nararamdamang pressure sa naturang isyu. “Sino ba ang hindi mapi-pressure sa pangungulit ng fans lalung-lalo na ‘yung mga supporters ni Angel Locsin na orihinal choice naman daw talaga para sa papel na ‘yan, eh, si Angel Locsin.” Marami na pala silang nagawa sa paghahanda para sa Darna. “Sila (staff and crew ng Reality Entertainment) man, eh, nakaabang sa anumang magiging desisyon ng Dos kaya for the meantime, eh, wala tayong magawa kundi ang hintayin na lang natin kung sino ba talaga ang gaganap na Darna,” sey sa amin ni Direk Erik.
“Marami na kaming naihanda para sa pelikulang ‘yan. We are just waiting kung kailan naman uumpisahan ang movie,” sey pa niya. Pero aminado si Direk na kung siya lang ang masusunod ay mas pipiliin niyang si Angel pa rin ang bida sa remake ng Darna. (Jimi Escala)