KAISA-ISANG horror film entry sa 2016 Metro Manila Film Festival ang bagong pelikula ng tanyag at multi-awarded director na si Erik Matti produced ng Reality Entertainment. Ayon sa mga nakapanood na nito, tunay na kaabang-abang at nakakakilabot ang Seklusyon

Ang Seklusyon na isinulat ni Anton Santamaria ay kuwento ng apat na dyakono na haharap sa isang matinding pagsubok.

Malagpasan kaya nila ito? Gaano katibay ang pananampalataya nila sa Diyos?

Ayon sa kuwentong mapapanood sa pelikula, sa huling pitong araw bago maging ganap na pari ang isang dyakono ay gagawin ng demonyo ang lahat upang mailigaw sila at huwag matuloy sa pagiging pari. Taong 1947 ang huling taon nang ipadala ng simbahan ang mga dyakono sa isang bahay seklusyon na inakala nilang ligtas at malayo sa tukso ng demonyo.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Ang apat na seminarista ay bibigyang-buhay nina Dominic Roque, John Vic de Guzman, J.R. Versales at Ronni Alonte.

Nakilala si Erik Matti sa kanyang multi-awarded films na On The Job, Honor Thy Father at ang mga horror-fantasy box office films na Tiktik: The Aswang Chronicles at Kubot: The Aswang Chronicles 2.

Nagsimula siya sa pagdidirehe sa isang seryeng pantelebisyon na Kagat ng Dilim kaya hindi na bago sa kanya ang horror films. Ang Pasiyam ay isa sa mga kinikilala bilang pinakamahusay niyang obra.

Kasama rin sa cast ng Seklusyon ang mga beteranong actor na sina Lou Veloso, Neil Ryan Sese, Elora Españo, Jerry O’ Hara, Teroy Guzman at ang batang aktres na si Rhed Bustamante. Gaganap naman bilang si Madre Cecilia ang grand prize winner ng Amazing Race na si Phoebe Walker.

Sabi ni Direk Erik, nagsimulang mag-shoot ang Seklusyon noong Mayo at naging madugo ang paggawa nito.

Nagkaroon na ng world premiere ang Seklusyon sa International Film Festival & Awards Macau (IFFAM) nitong Dec. 11.

Showing na ito simula sa Pasko kasama ang pitong iba pang kasali sa MMFF 2016. (MARGARETT TUMALE)