Bagong three-game winning streak sa Warriors; Spurs at Pelicans umarya.

OAKLAND, California (AP) – Mistulang nagensayo lamang ang Golden State Warriors tungo sa dominanteng 103-90 panalo kontra sa kulang sa player na New York Knicks nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Dumadagundong ang hiyawan ng home-crowd sa Oracle Arena sa bawat play ng Warriors, mapa-outside shooting, fast break, at alley-oops para maitarak ang mahigit sa 20 puntos na bentahe sa kabuuan ng second half.

Panandaliang kumikig ang Knicks, naglaro na wala sina star player Carmelo Anthony at Derrick Rose, ngunit humarurot ang Warriors sa 17-2 run para sa 83-58 bentahe sa third period.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naitala ng Warriors ang 26 assist sa half, at may 36 sunod na puntos mula sa assist tampok ang floater ni Ian Clark para sa 88-66 bentahe.

Nanguna si Klay Thompson sa Warriors sa naiskor na 25 puntos, habang kumana si JaVale McGee ng season-high 17 marker. Kinapos ng dalawang assist si Kevin Durant para sa triple-double sa natipang 15 puntos, 14 rebound at walong assist, habang nalimitahan si Steph Curry sa walong puntos, 10 reboud at walong assist.

Matinding depensa naman ang ibinakod ni Draymond Green kay New York center Kristaps Porzingis, nalimitahan sa 4-of-13 shooting.

Kumubra si Jru Holiday para sa New York ng 15 puntos.

SPURS 107, SUNS 92

Sa Talking Stick Resort Arena, hindi na sinikatan ng araw ang Phoenix Suns nang pataubin nang San Antonio Spurs.

Naagaw ng Suns ang 68-59 bentahe ng Spurs sa matikas na third period scoring run para sa 77-76 kalamangan sa kaagahan ng final period. Sa dikitang laban, kumilos sina Kawhi Leonard at LaMarcus Aldridge na kumumbra ng 15 puntos sa matikas na 21-3 blitz.

Hindi na naglaro ang mga star player ng magkabgaling panig sa huling tatlong minuto at ligtas na ang Spurs sa 99-82 abante matapos ang short jumper ni Tony Parker.

Tumipa sina Leonard at Pau Gasol ng tig-18 puntos, habang pumitik sina Parker at Dewayne Dedmon ng tig-11 puntos.

PELICANS 105, PACERS 92

Ibinasura ng New Orleans Pelicans, sa pangunguna ni Anthony Davis na kumana ng 33 puntos, 15 rebound at limang blocks, ang Indiana Pacers.

Humakot naman si Buddy Hield ng career-high 21 puntos.

Nanguna sa Pacers si Jeff Teague na may 21 puntos at 10 assist, habang umiskor si Paul George ng 18 puntos.

NUGGETS 132, BLAZERS 120

Nabalewala ang 40 puntos at 10 assist na performance ni Damian Lillard nang magapi ng Denver Nuggets ang Portland TrailBlazers.

Hataw si Danilo Gallinari sa Nuggets sa naiskor na 27 puntos para sa ika-10 panalo ng Denver sa 26 na laro.

Walong Nuggets ang umiskor na double digit, kabilang sina Gary Harris na may 18 puntos at anim na assist at Wilson Chandler na kumana ng 17 puntos, walong rebound at dalawang steal.

Kumubra naman si C.J. McCollum ng 23 puntos para sa Blazers.

BUCKS 108, BULLS 97

Kumana ng pinagsamang 58 puntos sina Giannis Antetokounmpo at Jabari Parker para sandigan ang Milwaukee Bucks kontra Chicago Bulls sa BMO harris Bradley Center.

Umabot sa 24 puntos ang bentahe ng Milwaukee at sakabila ng serye nang pagratsada ng Bulls ay matatag na nakaalpas tungo sa ika-12 panalo sa 24 na laro.

Humarbat si Antetokounmpo ng ikalawang sunod na 30 puntos at 14 rebound, habang nag-ambag si Parker ng 28 puntos.

Nanguna si Jimmy Butler sa Bulls sa naiskor na 21 puntos, habang kumana si Dwyane Wade ng 20 marker.