SA pagkakalantad ng milyun-milyong pisong suhulan na sinasabing kinasasangkutan ng mga commissioner ng Bureau of Immigration (BI), hindi lamang ang naturang ahensiya ang nabulabog kundi ang halos buong makinarya ng gobyerno na pinamumugaran ng mga bulok na pamamahala. Sabi nga ng mga Kano: “It opened a can of worms.” Ibig sabihin, mistulang nahawi ang lambong na pinagkakanlungan ng mga tiwali, mangungulimbat at mang-aagaw ng kapangyarihan. Ginulantang sila ng tumitimong tinig ni Pangulong Rodrigo Duterte: Corruption must stop.

Sa bahaging ito, nakahalukipkip lamang at hindi natitigatig ang ibang tauhan ng pamahalaan na hindi natutukso sa kaway ng mga alingasngas; na hindi naging pabigat sa pinaglilingkuran nilang mga tanggapan.

Matagal nang ginigiyagis ng kurapsiyon ang BI. Dangan nga lamang at hindi nalantad ang nasabing matinding pagbubunyag noong nakalipas ng mga pangasiwaan. Pinamumugaran ito ng mga utak ng human trafficking, tanim-bala syndicate, pangingikil sa mga dayuhan na kinabibilangan ng illegal entrants at iba pa na nanatili dahil sa talamak na pagsasabwatan.

Matindi rin ang mga katiwalian na nahalungkat sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kinasasangkutan din ng Land Transportation Office (LTO). Isipin na lamang na pilit binubuhay ang mga patay na prangkisa ng mga taxi, bus at jeep na pampasahero. Katakut-takot na mga regulasyon ang nilabag ng matataas na opisyal at mga kawani kaugnay ng nasabing raket na ang mga dokumento ay natagpuan sa kusina ng tanggapan; at matagal na itong pinagkakakitaan ng limpak-limpak na padulas o grease money.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kasumpa-sumpa ang naturang katiwalian sapagkat naging dahilan ito ng pagdagsa ng mga kolorum vehicles na lalong nagpatindi sa matindi nang problema sa trapiko. At, siyempre, naging dahilan ito ng matinding pagkondena ng sambayanan sa pagiging inutil ng mga nangangalandakang traffic czar at enforcer.

Hindi ako makapaniwala na may tanggapan pa sa gobyerno na hindi pinamumugaran ng mga mapagmalabis at pabigat sa alinmang administrasyon. Mismong ang Pangulo ang malimit magpAahiwatig na ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Department of Public... Works and Highways at iba ay talamak sa mga katiwalian. Kahit na ang Local Government Units at Philippine National Police ay nababahiran din ng mga bulok na pamamahala. Katunayan, ang ilan sa mga tauhan nito ay kabilang sa hawak niyang listahan ng narco politics.

Sa lahat ng ito, kumbinsido ako na walang paliligtasin ang Pangulo sa kanyang pakikidigma sa katiwalian. Lalo niyang paiigtingin at patitimuin ang kanyang tinig: Corruption must stop. At may pahabol siyang babala sa mga tiwali: Mag-resign o mamatay. (Celo Lagmay)