Warriors, nahirapan sa Pelicans; Cavs tuloy ang hirit.
NEW ORLEANS (AP) – Balik sa winning run ang Golden State Warriors, ngunit kailangan nilang makipagbuno ng todo para maihirit ang 113-109 panalo kontra Pelicans nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Maagang nakuha ng Warriors ang ritmo ng opensa, subalit hirap silang mapagpag ang determinadong Pelicans.
Naisalpak ni Stephen Curry ang jumper para sa 109-108 bentahe ng Warriors, kasunod ang layup para sa tatlong puntos na abante may dalawang minuto ang nalalabi sa laro.
Sa mga sumunod na opensa, bigong makaiskor sina Kevin Durant, Klay Thompson at Curry para manatiling nakaamba ang pagkasilat sa karibal.
Naibuslo ni Draymond Green ang dalawang free throw mula sa foul ni Langston Galloway para sa final count. Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Warriors, nagwagi sa Minnesota Timberwolves matapos makaranas nang kabiguan sa kamay ng Memphis Grizzlies.
Tumapos si Curry sa naiskor na 30 puntos, habang kumana si Durant ng 27 puntos at may naiambag si Thompson na 17 puntos para sa Golden State na kumubra ng ika-22 panalo sa 26 na laro.
Nanguna si Anthony Davis sa Pelicans sa natipang 28 puntos at walong rebound.
CAVS 103, GRIZZLIES 86
Sa Cleveland, hataw si Kevin Love sa naiskor na 29 puntos,habang kumubra si LeBron James ng 23 puntos sa panalo ng Cavaliers kontra Memphis Grizzlies.
Hindi pinaglaro ng Memphis si center Marc Gasol sa ikalawang pagkakataon na nakaharap ang Cleveland ngayong season.
Nag-ambag si JR Smith ng 23 puntos, tampok ang 17 sa first half para sandigan ang Cavs sa pinakamalaking 22 puntos na bentahe at tuldukan ang six-game winning streak ng Grizzlies.
Nanguna si Zach Randolph sa Memphis sa naharbat na 18 puntos.
WOLVES 99, BULLS 94
Naisalpak ni Andrew Wiggins ang go-ahead basket sa huling 50 segundo para akayin ang Minnesota Timberwolves laban sa Chicago Bulls.
Walang kaba na binitiwan ng rookie star ang tira sa layong 22 talampakan mula sa assist ni Ricky Rubio assist, at muling kumana ang playmaker mula sa Spain para sa set-up jumper ni Zach Lavine tungo sa sa 95-91 bentahe ng Timberwolves at putulin ang four-game losing skid.
Kumubra si Wiggins ng 23 puntos at siyam na rebound, habang kumana si Rubio ng 11 puntos at 10 assist para sa ikapitong panalo ng Minnesota sa 25 laro.
Nag-ambag si LaVine ng 24 puntos para tulungan si coach Tom Thibodeau na makaiskor sa dating koponan. Tumipa naman sina Gorgui Dieng at Karl-Anthony Towns ng tig-16 puntos.
Nanguna sa Bulls si Jimmy Butler sa naiskor na 27 puntos, habang nalimitahan sina Robin Lopez at Dwyane Wade ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa iba pang laro, naglagablab ang opensa ng Portland Trail Blazers sa second quarter tungo sa 114-95 dominasyon sa Oklahoma City Thunder; habang ginapi ng Phoenix Suns, sa pangunguna ni Eric Bledsoe na tumipa ng 30 puntos, ang New York Knicks sa overtime.