Sinandigan ng St. Benilde ang mga itinalang panalo sa singles match upang biguin ang upset-conscious na San Sebastian, 2-1, at makalapit sa inaasam na kampeonato sa men’s division ng 92nd NCAA lawn tennis tournament sa Rizal Tennis Center.

Tinalo ni Jet Asilo ang nakatapat na si John Sanga, 6-2, 6-3, sa reverse singles match upang selyuhan ang laban para sa Blazers, unang winalis ang eliminasyon noong Huwebes na may siyam na panalo para iuwi ang first round pennant.

Inungusan ni Radha Reyes ang nakasagupa na si Francis Panaligan, 6-3, 7-6 (5), sa opening singles upang ibigay sa St. Benilde ang bentahe. Gayunman, nabigo sina Mav Victoria at Carl Catedral kontra Ramzie Manonsong at John Paul Gulfo, 3-6, 6-2 at 7-5 sa doubles na nagtabla sa labanan sa kada isang panalo .

Isinalba ni Asilo ang Blazers sa pagwawagi sa krusyal na ikatlong laban.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Ang panalo ay nagtulak sa St. Benilde na makalapit para masungkit ang pangkalahatang korona matapos masungkit ang una at tangi nitong kampeonato may 13 taon na ang nakalipas.

Sunod nitong sasagupain ang San Beda at Letran sa kanilang laban para makamit ang hangarin.

Kinakailangan ng San Beda, tumapos na ikalawa sa elims na may 8-1 karta, na talunin ang St. Benilde at tumapos na No. 1 sa apat na koponan na ikalawang round upang mapuwersa ang knockout duel sa Miyerkules para sa kampeonato.

(Angie Oredo)