Triple-double record bigong burahin ni Russel; Warriors nakabangon uli.
MINNESOTA (AP) – Laban talo, laban bawi ang Golden State Warriors.
Muling nakaiwas ang Warriors sa back-to-back na kabiguan nang supilin ang Minnesota Timberwolves, 116-108, nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Balik porma ang outside shooting ni Klay Thompson sa naiskor na 30 puntos mula sa 11-of-21 shooting para sandigan ang Warriors sa maagang pagbalikwas mula sa hindi inaasahang kabiguan sa Memphis Grizzlies nitong Sabado.
Nalimitahan si Thompson sa walong puntos sa naturang kabiguan. Bunsod nang panalo, napanatili ng Warriors ang matikas na marka na tanging koponan na hindi natatalo ng magkasunod na laro sa liga.
Hataw din si Steph Curry sa naiskor na 22 mula sa 6-of-12 shooting, habang kumubra si Kevin Durant ng 22 puntos mula sa 6-of-21 field goal para sa ika-22 panalo ng Golden States.
Nag-ambag si Draymond Green ng 18 puntos.
Natamo ng Timberwolves ang ikaapat na sunod na kabiguan at ika-18 sa 24 na laro.
Kumubra sina Andrew Wiggins, Karl-Anthony Towns at Zach LaVine ng tig-25 puntos para sa Minnesota.
THUNDER 99, CELTICS 96
Nagwagi ang Oklahoma City Thunder kontra sa Boston Celtics, ngunit kinapos si Russel Westbrook sa tangkang lagpasan ang triple-double record ni cage icon Michael Jordan.
Ratsada si Westbrook sa naiskor na 37 puntos, 12 rebound, ngunit nakagawa lamang ng anim na assist para putulin ang triple-double winning streak sa pito. Napantayan niya ang record ni Jordan sa Chicago Bulls noong dekada 80.
Nag-ambag sina Steven Adams at Enes Kanter ng 17 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna sa Boston sina Al Horford na may 19 puntos at Jae Crowder na tumipa ng 18 puntos. Hindi nakalaro sa Boston si star guard Isiah Thomas dahil sa injury at natikman ng Celtics ang ika-11 kabiguan sa 24 laro.
PELICANS 120, SUNS 119 OT
Sa Phoenix, nakumpleto ni Jrue Holiday ang three-point play sa kaagahan ng overtime para sandigan ang New Orleans Pelicans sa gabuhok na panalo kontra Suns.
Humakot si Holiday, nagmintis din ng dalawang free throw na nagbigay sana ng tatlong puntos na bentahe sa Pelicans, ng 23 puntos para sa ikalawong panalo ng New Orleans s 25 laro.
Kumubra si Reggie Williams ng 17 puntos, habang tumipa si Anthony Davis ng 14 puntos para sa Pelicans.
Nanguna sa Suns si Eric Bledsoe sa naiskor na 32 puntos,habang kumubra si Leandro Barbosa ng 18 puntos.
Sa iba pang laro, ginapi ng Philadelphia 76ers, sa pangunguna ni Robert Covington na kumana ng 16 puntos, ang Detroit Pistons, 97-79.