Ni Angie Oredo

Walang pondo na ibibigay ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga national sports association (NSA) na may nakabinbin pang ‘unliquidated fund’ sa ahensiya.

Sinabi ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na mahigpit na tagubilin ni Senador Manny Pacquiao ang paghihigpit sa mga NSA na patong-patong pa rin ang mga ‘unliquidated expenses’ hanggang sa kasalukuyan.

“Actually, matagal nang policy itong no liquidation, no financial assistance. Naging maluwag lang ang nakalipas na administrasyon dahil sa ibinibigay na ayuda ng Philippine Olympic Committee,” sambit ni Ramirez.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

“Ang problema, hindi naman POC kundi kami sa PSC ang mananagot sa problema dahil kami ang hahabulin ng COA sa mga utang ng NSA. Kaya ngayon, at ito naman ang habilin sa amin ni Senator Pacquiao, kaya pasensyahan muna tayo, kung may utang pa ang NSA, hinto muna ang financial assistance,” aniya.

Nilinaw ni Ramirez na kung ang gastusin ay para sa pagsasanay at paglahok sa kompetisyon ng atleta, direktang ibibigay ng PSC ang pondo sa mga miyembro ng national team.

Sa nakalipas na pagdinig ng Senate Committee on Youth and Sports na pinamumunuan ni Pacquiao, iginiit ng eight-division world champion na nararapat lamang maging responsible sa ‘liquidation’ ang mga NSA.

“Pera ng taong-bayan ‘yang ginamit ninyo kaya marapat lamang na gampanan nila ang tungkulin na ma-liquidte ito,” sambit ni Pacman.

Samantala, Inaasahan na mas lalong mapapangalagaan ang pondo ng Philippine Sports Commission (PSC) sakaling maipatupad ang International Organization for Standardization (ISO) sa spots agency.

Kasalukuyang isinasagawa ng ahensiya ang seminar sa mga empleyado para makamit ang ISO Certification kung saan nakatuon ang aktibidad para mas masundan ang mga taktika at estrahiya ng malalaking kompanya para sa mas maayos at epektibong programa.

Sakaling masertipikahan at makabilang sa mga accredited ISO agencies inaasahang mas magagabayan ng ahensiya ang paggamit nito ng nakukuhang pondo mula sa General Appropriations Act (GAA) at maging sa National Sports Development Fund (NSDF) na ibinabahagi nito sa mga pambansang atleta at national sports association.