Triple-double ni Westbrook durog sa Rockets; Cavs at Hawks umayuda.

OKLAHOMA CITY (AP) – Napantayan ni Russel Westbrook ang record triple-double ni basketball icon Michael Jordan, ngunit hindi ito sapat para mailigtas ang Thunder sa pagsambulat ng Houston Rockets para sa 102-99 panalo nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Hataw si James Harden sa naiskor na 21 puntos at 12 assist, at kinapos lang ng isang rebound para sa sariling triple-double. Nag-ambag si Eric Gordon ng 17 puntos, habang tumipa si Ryan Anderson ng 14 puntos para sa ikalimang sunod na panalo ng Rockets.

Kumubra rin sina Clint Capela at Nene ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Rockets na umusad sa 16-7 karta.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naputol ang winning streak ng Thunder sa anim na laro, sa kabila ng isa pang impresibong performance ni Westbrook na tumipa ng 27 puntos, 10 assist at 10 rebound. Ito ang ikapitong triple-double ni Westbrook, sapat para pantayan ang record ni Jordan sa Chicago Bulls noong dekada 80.

Nag-ambag si Steven Adams ng 24 puntos tampok ang 8-of-9 shooting, habang umiskor si Victor Oladipo ng 12 puntos para sa Oklahoma City, nagtamo ng ikasiyam na kabiguan ng 23 laro.

CAVS 114, HEAT 84

Sa Cleveland, tila nagyelo ang opensa ng Miami Heat nang hindi nakasabay sa defending champion Cavaliers.

Nagsalansan si Kevin Love ng 28 puntos at 15 rebound para sa ikatlong sunod na panalo ng Cavaliers.

Ratsada si LeBron James sa naiskor na 27 puntos, walong assist at walong rebound para sandigan ang Cleveland sa 16-5 marka. Nag-ambag si Kyrie Irving ng 23 puntos tampok ang 9-of-15 field goal.

Nakamit ng Heat, pinangunahan ni forward Derrick Williams na may 17 puntos, ang ikaapat na sunod na kabiguan. Kumubra si Hassan Whiteside ng walong puntos at 12 rebound.

HAWKS 114, BUCKS 110

Sa BMO Harris Bradley Center, nagsalansan si Dennis Schroder ng career-high 33 puntos para sandigan ang Atlanta Hawks kontra Milwaukee Bucks.

Lumarga ang Milwaukee sa 20 puntos na bentahe 66-46 sa kaagahan ng third period at nanatiling nakaabante sa 99-92 may 7:52 sa final period. Simbilis ng pagaspas ng pakpak, umariba ang Hawk, tampok ang jumper ni Kyle Korver para agawin ang bentahe sa 105-103 may 3:15 ang nalalabi sa laro.

Nagpalitan ng basket sina Jabari Parker at Schroder bago naisalpak ni Tim Hardaway, Jr. ang three-pointer para sa 110-106 bentahe may 35.6 segundo sa laro.

Kumawala si Paul Millsap ng all-around performance na 23 puntos, 14 rebound at anim na assist para sa ikalawang sunod na panalo ng Atlanta, habang kumubra si Hardaway ng 18 puntos.

Nanguna sa Bucks si Parker sa natipang 27 puntos, habang umiskor sina Antetokounmpo, Greg Monroe at Michael Beasley ng tig-14 puntos.

TORONTO 101, CELTICS 94

Muling nagtulungan sina Kyle Lowry at DeMar DeRozan para gabayan ang Toronto Raptors overcome sa malaking panalo kontra Boston Celtics sa TD Garden.

Naghabol ang Toronto ng 14 puntos sa second quarter at naisara ng Celtics ang half time sa 50-42 bentahe. Ngunit, nakabawi ang Raptors sa naibabang 23-5 run para agawin ang bentahe sa 75-68 sa pagtatapos ng third period.

Naisalpak ni Norman Powell ang unang walong pountos ng Raptors sa final period para patatagin ang kapit ng Toronto sa bentahe tungo sa dikitang panalo.

Kumawala si Lowry sa natipang season-high 34 puntos, habang umiskor si DeRozan ng 24 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Raptors at 16-7 marka.

Nanguna sina AlHorford at Avery Bradley sa Celtics na may tig-19 puntos.

HORNETS 109, MAGIC 88

Sa Charlotte, nadugtungan ng Southeast Division-leading Hornets ang winning streak sa tatlo matapos palubugin ang Orlando Magic.

Ratsada si Michael Kidd Gilchrist sa naiskor na 16 puntos tampok ang 6-of-9 shooting, habang tumipa si Nicolas Batum ng 11 puntos at siyam na rebond para sa ika-14 na panalo sa 23 laro.

Nanguna sa Magic sina Evan Fournier at Serge Ibaka na may 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.