Nauubusan na ng pasensiya sa pangingikil sa mga negosyo, inatasan ni Pangulong Duterte ang mga rebeldeng komunista na tantanan na ang mga power at communication facility at iba pang mahahalagang pampublikong instalasyon sa probinsiya.
Nagbabala ang pangulo na ang mga negosyong ito ay maaaring mapilitang itaas ang kanilang singil kapag patuloy silang tinakot ng mga rebelde.
“Ang style kasi ng NPA kapag hindi ka nagbigay, sunugin. Hoy, makinig kayo, ha?! Huwag ninyong pakialamanan ‘yung sa tao, energy, communications, everything — lay off,” pahayag ng pangulo sa pagbubukas ng hydroelectric power plant sa Bukidnon.
“May I ask the New People’s Army, huwag na ninyo ito hingian, kasi kapag nagkuha kayo ng pera sa kanila, itong mga ito magplano naman kung paano pataasin ‘yung electric [bill],” dagdag ni Duterte.
Naiulat na milyun-milyong pisong revolutionary tax ang kinukubra ng mga rebelde mula sa mga lokal na negosyo at iba pang sektor sa nakalipas na mga taon.
Pansamantala, kinakailangan magkasundo ang pangulo at ang mga rebeldeng komunista sa isang “indefinite ceasefire” bago niya ipagkaloob ang hinihiling ng mga itong palayain ang mga political prisoner.
“I declined to do it because I have given so much too soon,” ani Duterte. - Genalyn D. Kabiling