Mga Laro Ngayon (MOA Arena)

4:30 n.h. -- Mahindra vs SMB

6:45 n.g. -- Globalport vs Ginebra

Target ng Mahindra na makapasok sa winner’s column sa pakikipagtuos sa defending champion San Miguel Beer, habang inaasahang patok sa takilya ang duwelo ng crowd-favorite Ginebra at rising Globalport sa double header ng OPPO-PBA Philippine Cup ngayong gabi sa MOA Arena sa Pasay City.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bokya sa kasalukuyan sa tatlong laro, haharapin ng Floodbusters ang Beermen sa unang laro sa 4:30 ng hapon, habang magtutuos ang batang Pier at Kings sa tampok na laro sa 6:45 ng gabi.

Taglay ang 2-1 karta, kasalukuyang magkasalo ang Batang Pier at Beermen sa liderato kasama ng Rain or Shine, Talk ‘N Text, Phoenix at Blackwater.

Magtangka ang Beermen na makamit ang unang back-to-back win ngayong season matapos ang naitalang 93-88 na panalo kontra Alaska Aces nitong Disyembre 3.

Sa panig ng kanilang katunggali, magsisikap ang mga itong makaahon buhat sa ilalim ng team standing.

Sa tampok na laban, magsisikap na makabalik sa winning track ang Batang Pier makaraang putulin ng Alaska ang kanilang panimulang dalawang sunod na panalo noong nakaraang Miyerkules, 95-84.

Dahil dito, inaasahang magiging mainit ang bakbakan kontra sa Kings na tiyak namang hangad na dugtungan ang natamong unang tagumpay kontra Elasto Painters , 87-74 nitong Disyembre 4.

Umaasa si Kings coach Tim Cone na makukuha na rin ng Kings ang kanilang ritmo.

"Tough schedule for us so far, it's so hard to get our rhythm," pahayag ni Cone. - Marivic Awitan