MINNEAPOLIS (AP) – Walang Tony Parker para maging gabay ng San Antonio, ngunit walang problema para sa Spurs.

Nanatiling malinis ang marka ng Spurs sa road game nang supilin ang Minnesota Timberwolves, 105-91, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Tangan ng Timberwolves ang 10 puntos na bentahe papasok sa final period, ngunit nakabangon ang Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard, para masungkit ang ika-13 panalo sa road at ika-18 sa 22 laro ngayong season.

Hindi nakalaro ang French star guard na si Parker bunsod ng injury sa kaliwang tuhod na natamo sa laro kontra Milwaukee Bucks may isang gabi ang nakalipas.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pumalit pansamantala si Nicolas Laprovittola at tumipa ng 10 puntos.

Hataw si Leonard sa naiskor na 31 puntos mula sa 11-of-15 shooting, habang tumipa si Patty Mills ng 15 puntos.

KNICKS 114, HEAT 103

Nahila ng New York Knicks ang winning run sa apat nang palamigin ang Miami Heat.

Hataw si Carmelo Anthony sa naiskor na 35 puntos para sa ika-12 panalo ng Knicks sa 21 laro. Nag-ambag si Kristaps Porzingis ng 14 puntos at 12 puntos habang tumipa sina Derrick Rose at Joakim Noah ng tig-10 puntos.

Nanguna sa Miami si Goran Dragic sa nakubrang 29 puntos, habang umiskor si Hassan Whiteside ng 23 puntos at 24 rebound.

PISTONS 102, BULLS 91

Sa Michigan, nabitiwan ng Detroit Pistons ang malaking bentahe, ngunit matikas na nakabangon sa final period tungo sa impresibong panalo kontra Chicago Bulls.

Nagsalansan si Tobias Harris ng 22 puntos para sa Pistons, nabitiwan ang 17 puntos na bentahe sa third quarter, para maagaw ng Bulls ang tempo ng laro.

Ngunit, hindi nagtagal ang pagal na katawan ng Bulls na sumabak sa apat na sunod na laro para makamit ang ikatlong sunod na kabiguan para sa 11-10 karta.

Nanguna si Jimmy Butler sa opensa ng Bulls sa naiskor na 32 puntos, haban kumana si Dwyane Wade ng 19 puntos.

Sa iba pang laro, nabalewala ang 52 puntos ni John Wall nang mapaluhod ng Orlando Magic ang Washington Wizards; pinabagsak ng Utah Jazz ang Phoenix Suns, 112-105; habang hinagupit ng Memphis Grizzlies ang hiladelphia Sixers, 96-91.