Pinangunahan ng tatlong anak ni dating Tour champion Rolando Pagnanawon ang malaking pulutong ng mga siklista na naghahangad makasungkit ng silya sa LBC Ronda Pilipinas 2017 edisyon sa isinagawang Visayas qualifying races sa Bacolod City, Negros Occidental.

Pinangunahan ni Jaybop Pagnanawon, panganay sa magkakapatid at anak ng dekalibreng Tour champion, ang talaan nang mga naghahangad na makasikwat ng slot para sa regular race ng LBC, kasama ng mga kapatid na sina Jhundie at Jetley sa pagtatangka na makasama sa Peb. 4 hanggang Marso 4 race.

Ito ang unang pagkakataon na nagbabalik ang 27-anyos na si Pagnanawon, na irerepresenta ang Team Pagay Construction, matapos na mapabilang sa mga na-cut sa nakaraang taon at hindi din makasali sa nakalipas na karera.

Matatandaang nanguna si Pagnanawon sa una sa dalawang stage na Visayas qualifier nakaraang taon matapos na talunin ang dating Ronda champion na si Irish Valenzuela at Baler Ravina subalit nagtamo ng mechanical problems sa huling yugto na naging dahilan upang hindi makapasok sa main race.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Umaasa ngayon si Pagnanawon na kasama ang kanyang mga kapatid ay makakapasa sa kailangang 30 para sa pinakamalaking cycling race sa bansa na may nakatayang P1 milyon sa kampeon mula sa presentor LBC at major sponsors Mitsubishi, Petron, ASG Group, Dans360 at Donen habang sanction ng PhlCycling sa ilalim ng president nito na si Abraham “Bambol” Tolentino.

“Gagawin ko po ang lahat para makapasok sa Ronda ngayong taon dahil pangarap ko pa rin po na mapantayan ang nagawa ngayong taon ng aking ama,” sabi ni Pagnanawon.

Una nang nagpalista ang Go for Gold na si George Luis Oconer, na nanguna sa unang qualifying race na ginanap sa Subic Bay nakaraang buwan, sa paghahangad na makumpleto ang pagwawalis sa dalawang karera at maghanda sa labanan sa main race kung saan umaasa ito na tuluyang makapagwagi kontra sa mas beteranong riders matapos ang ilang beses na nabigo sa unang limang edisyon ng taunang karera.

Makakasama ni Oconer sina Elmer Navarro, Jerry Aquino, Boots Ryan Cayubit, Ismael Grospe Jr., Agustin Querimit Jr., at team captain Ronnel Hualda.

Ang Navy-Standard Insurance team captain Lloyd Lucien Reynante ay kalahok din sa karera.

Ang 117-kilometrong karera ay magsisimula sa harap ng Bacolod City Hall at tatahak sa matarik na bulubundukin ng Don Salvador Benedicto at San Carlos bago ito babalik sa Don Salvador Benedeicto pabalik sa finish.

Ang main race ay magsisimula sa Pebrero 4 sa dalawang stage sa Ilocos Sur at dadaan sa Angeles (Peb. 8), Subic (Peb. 9), Lucena, Quezon (Peb. 12), Pili, Camarines Norte (Peb. 16), Daet (Peb. 17), Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Peb. 19), Tagaytay at Batangas (Peb. 20), Calamba at Antipolo (Peb. 21), Bacolod, Don Salvador at San Carlos (Peb. 28) bago tuluyang magtapos sa pares ng stage sa Iloilo City (Marso 3 at 4). (Angie Oredo)