Kung ayaw lang din namang sumuko sa awtoridad, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Maute terror group na lisanin na ang bansa at ituloy na lang sa Middle East ang anumang kanilang ipinaglalaban.

Sinabi pa ng Presidente na handa niyang sagutin ang pasahe ng mga terorista paalis ng bansa matigil lamang ang paghahasik ng mga ito ng kaguluhan sa Mindanao.

“50 lang kayo tapos maglaban kayo sa Armed Forces, kalokohan! Eh, pumunta ka na lang doon sa Middle East,” sinabi ng Pangulo sa kanyang pagdalo nitong Huwebes sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Summit sa Davao City.

“Mamili ka anong eroplano? Emirates? Sige, bigyan kita ng ticket. Sige, doon. Ano bang gawin mo dito? Distorbohin mo ang isang community? Then what after that? How about ‘yung namatay?” dagdag ni Duterte.

‘Bakuna Eskwela’ program ng DOH, DepEd, aarangkada

Kinuwestiyon din niya ang motibo ng Maute sa pagkuha ng suporta ng Islamic State sa pamamagitan ng panggugulo sa mga komunidad.

“You are into believing something which is not really true. Kasi ‘yung kawsa nila hindi atin, eh.I do not allow oppression in this country and I will never do it,” anang Pangulo.

Sa nasabing okasyon ay muli ring iginiit ng Pangulo na hinding-hindi niya papayagang muling umiral ang batas militar sa bansa.

“Sinasabi nila martial law. Mag-martial law ako rito? Patayin ko lahat ng Maute (group) pati mga religious extremists? Then?,” ani Duterte. “Kalokohan ‘yan. Nag-martial law na tayo noon. Ano nangyari? Gumaling ba ang buhay natin hanggang ngayon? Wala!”

Sa halip, iminungkahi ng Presidente ang pagbibigay sa mga mayor ng “blanket authority” upang pakilusin ang militar kung sa palagay nila ay may banta sa kaayusan ng kanilang komunidad.

Naniniwala pa rin si Duterte na federalism, at hindi batas militar, ang magdudulot ng kapayapaan sa Mindanao.