Matapos sumuko nang matiwasay, buhay at walang sugat sa katawan ang isang drug pusher na dinakip ng mga pulis sa buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Police Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Navotas Police, paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kinakaharap na kaso ni Jun Pablo, 37, alyas “Jonjon”, ng No. 21 T. Gomez Street, Barangay San Jose, Navotas City.

Base sa report, dakong 3:35 ng hapon, ikinasa ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-STOG) ang buy-bust operation sa lugar.

Si PO3 Urcia ang tumayong poseur-buyer at nang iaabot na sa kanya ni Pablo ang droga, dinamba na siya ng mga kasamahan ng una.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Hindi na nagpumiglas pa ang suspek at payapang sumama sa mga parak.

“Kapag hindi po nanlaban ang aming inaaresto sa ilegal na droga, asahan po ninyo na hindi siya masasaktan o masasawi,”ani Col. Novicio.

Samantala, walang piyansang inirekomenda ang piskalya para sa pansamantalang paglaya ni Pablo. (Orly L. Barcala)