Westbrook, nanalasa sa dagundong ng Thunder.

OKLAHOMA CITY (AP) – Apat na kabit sa Thunder, apat na sunod na triple-double kay Russell Westbrook.

Napanatili ng Thunder ang dagundong sa dominanteng 126-115 panalo sa overtime kontra Washington Wizards nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Hataw si Westbrook sa natipang 35 puntos, 14 rebound at 11 assist para sa ika-apat na sunod na triple-double at ikasiyam ngayong Season. Sa kabuuan ng career may nagawa siyang 46.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakamit ng Oklahoma ang ika-12 panalo sa 20 laro.

Natipa niya ang 14 sa 21 puntos ng Thunder sa overtime.

Nanguna si Bradley Beal sa Wizards sa naiskor na 31 puntos, habang kumubra si Markieff Morris ng 19 puntos para sa Wizards, natalo sa anim sa pitong laro sa road at ika-11 sa 20 laban.

KNICKS 106, WOLVES 104

Sa Minnesota, naisalpak ni Carmelo Anthony ang 18-foot jumper may dalawang segundo ang nalalabi para akayin ang New York Knicks sa makapigil-hiningng panalo kontra Timberwolves.

Naghabol ang Wolves at nagawang tapyasin ang 17 puntos na bentahe ng Knicks sa final period. Naitabla ng Minnesota ang iskor may isang minuto ang nalalabi sa laro.

Nag-ambag si Kristaps Porzingis ng 29 puntos para sa New York.

Nabalewala naman ang matikas na 47 puntos at 18 rebound performance ni Wolves star Karl Anthony Towns. Kumubra naman si Andrew Wiggins ng 19 puntos para sa Minnesota,nabigo sa ika-13 sa 18 laban.

SPURS 94, MAVS 87

Napanatili ng San Antonio ang malinis na marka sa road nang pangunahan ni Patty Mills ang matikas na ratsada ng Spurs sa final period para patumbahin ang Dallas Mavericks, 94-87, sa American Airlines Center.

Naghabol ang Spurs mula sa 13 puntos na bentahe ng Mavs sa third period at nagawang masupil ang Mavs sa krusyal na sandali para maitakas ang panalo.

Nanguna si Mills sa San Antonio sa naiskor na 23 puntos, habang kumana si Kawhi Leonard ng 21, kabilang ang 18 sa second half para sa ika-11 sunod na panalo sa road at 15-4 sa kabuuan.

Nanguna sa Mavs si Wes Matthews sa nasalansan na season-high 26 puntos, habang nag-ambag si Harrison Barnes ng 17 puntos.

SUNS 109, HAWKS 107

Nabitiwan ng Phoenix Suns ang bentahe sa krusyal na sandali, ngunit nagawang makabawi ni Eric Bledsoe para maungusan ang Atlanta Hawks sa Talking Stick Resort Arena.

Hataw si Knight sa naiskor na 23 puntos, habang kumubra sina Jared Dudley at PJ Tucker sa naiskor na 17 puntos para sa Phoenix.

HEAT 106, NUGGETS 98

Sa Denver, dismayado ang home crowd nang dominahin ng Miami Heat ang Nuggets.

Kumawala si Hassan Whiteside sa naiskor na 25 puntos at 16 rebound para tuldukan ang magkasunod na kabiguan sa kamay ng Memphis at Boston.

Nag-ambag si Wayne Ellington ng 22 puntos para sa ikaanim na panalo sa 18 laro, habang umeksena sina Tyler Johnson at Goran Dragic ng 18 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa iba pang laro, pinabagsak ng Portland Trail Blazers ang Indiana Pacers, 131-109.