KASABAY nang unti-unting pagsingaw ng baho ng iba’t ibang uri ng katiwalian ng mga “political appointee” sa administrasyong ito ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na nakapanghihina ng loob ng mga mamamayang umaasa ng pagbabago – ay ang ‘di ko inaasahang balita nang pag-upo bilang bagong DIRECTOR GENERAL sa puspos ng anomalyang Bureau of Corrections (BuCor) – ng abogadong kilala kong palaban at walang inaatrasan.
Habang nakikibalita kasi ako sa umiinit na mga pangyayari sa loob ng National Printing Office (NPO) dahil sa kabi-kabilang protesta ng mga opisyales laban sa kanilang bossing na si Francisco V. Valdez Jr., na umano’y nakikialam sa sagradong trabaho ng Bidding and Awards Committee (BAC)— ay nakatanggap naman ako ng isang text message na
nagsasabing si Atty. Benjamin C. delos Santos ang napili ni PRRD bilang bagong hepe ng BuCor na nasa gitna ngayon ng mga nagbabagang alegasyon ng pagiging sentro ng operasyon ng ilegal na droga sa buong bansa.
Si Atty. Delos Santos, na kung tawagin ng kanyang mga kaibigan ay “KIDLAT” dahil sa bilis niyang magtrabaho at mang-asunto ng mga kriminal na kanilang nahuhuli noong siya ay isa pang aktibong opisyal ng dating Narcotics Command (Narcom) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay pormal na nahirang na maging Director General ng BuCor nitong Lunes nang matanggap niya ang appointment paper niya na may petsang Nobyembre 18, 2016.
Mabigat na trabaho ang tinanggap na ito ni Atty. Delos Santos at ito lang ang masasabi ko – sa mga empleyado ng BuCor, magtinu-tino na kayo dahil nasisiguro kong, kundi man kayo masibak, kabi-kabilang asunto naman ang biglang kakaharapin ninyo kapag ‘di iwawaksi ang dating masasamang gawi, lalo na riyan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Siguradong tatamaan kayo ng LINTIK sa bago ninyong BuCor Sec Gen “Kidlat” Delos Santos!
Sa isyu naman sa NPO - si Valdez Jr., ay inaakusahan ng 11 niyang nag-resign na executive officer – uulitin ko po, nag-resign lang at hindi nagpakamatay dahil sa kahihiyan sa pakikialam ng kanilang bossing – nang panggigipit sa kanilang trabaho sa BAC para lamang mapagbigyan ang ilang piling negosyanteng makuha ang may P600 milyong proyekto na hindi dumaan sa bidding. Magkanong dahilan kaya ito?
Dumarami na ang mga paratang na ganito at naniniwala akong “kapag may usok ay may sunog” – kaya’t nararapat lamang bigyang pansin agad ni PRRD ang mga reklamong tulad nito upang hindi kumalat ang apoy – gaya na lamang noong nakaraang administrasyon na ang “tuwid na daan ay nauuwi sa mga nakatuwad sa daan”.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E)