Lumaro sa unang pagkakataon matapos makabalik sa tugatog ng tagumpay sa nakaraang Governors Cup, hindi tumagal ang Barangay Ginebra sa hamon ng Talk ‘N Text Linggo ng gabi sa OPPO-PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Ngunit, para kay 2016 PBA Governors Cup Finals MVP LA Tenorio, walang ibang dapat sisihin sa nalasap nilang kabiguan kundi ang kanilang mga sarili dahil sa labis na kumpiyansa.

Sinayang ng crowd favorite Kings ang naitalang 14 puntos na kalamangan sa bungad ng final quarter.

Sa pamumuno ni Ranidel de Ocampo, binura ng Texters ang nasabing bentahe at kinabig ang panalo sa iskor na 108-103.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

“I don’t think that’s an excuse na first game jitters. Talagang nag-relax lang kami, I think ‘yun ang naging problema,” pahayag ni Tenorio.

“Lahat kami, daming mintis tsaka turnover siguro yun ang key sa game namin. Everyone’s accountable, hopefully mag-improve kami,” aniya.

Ayon kay Tenorio, kailangan nilang pag- ingatan mabuti ang possession para malimitahan ang turnover.

Sisikapin nilang magamit ang mahabang break bago muling sumabak sa laro upang maitama ang kanilang mga pagkakamali.

(Marivic Awitan)