Isang pulis-Maynila ang inireklamo ng isang radio reporter na umano’y minura at dinuru-duro sa mukha sa gitna ng intersection, at sa harap ng mga motorista at mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kahapon ng umaga.

Irereklamo ni Jun Samson, ng DZAR Sunshine Radio, at naka-beat sa Department of Justice (DoJ), sa General Assignment Section ng Manila Police District (MPD) at sasampahan ng reklamo sa Manila Prosecutor’s Office si SPO4 Valentino Guevarra, ng Manila Traffic Division.

Sakay sa motorsiklo, pinara umano ni Guevarra si Samson dakong 10:00 ng umaga kahapon sa panulukan ng Bonifacio Drive at Katigbak Drive dahil sa paglabag na red light.

Reklamo ni Samson, may nakasabay siyang pulis na nakamotorsiklo rin at walang helmet pero hindi ito hinuli ni Guevarra.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Nang usisain ito ni Samson kay Guevarra ay dinuro umano siya sa mukha ng huli at sinabihan ng “Gago ka ba?”

Bilang respeto, kusang isinurender ni Samson ang kanyang lisensya at nagpa-ticket kay Guevarra ngunit nagtanong umano ang huli: “Titiketan ba kita o mag-ayusan na lang tayo?”

Nagdesisyon si Samson na magpatiket na lang at ngayon ay inihahanda na ang reklamo laban kay Guevarra. (Beth Camia)